Archive | National politics RSS for this section

Petilla, delicadeza, at bakit dapat ka nang mag imbak ng uling.

Noong bata ako, meron kaming malaking kalan sa bahay. Three stoves, tapos may oven pa sa ilalim. Kaya dati naaalala ko nung 5-years old ako, ipinagbake pa ako ng nanay ko ng cake nung birthday ko. Sweet. Yung kalan namin, La Germania pa yun na parang ganito. Paulit ulit kong tinatanong sa nanay ko kung saan niya binili, pero palagi niya lang sinasabi na napanalunan sa raffle.

Nung nagcollege ako, kapatid ko na lang na bunso at nanay ko ang naiwan dito sa bahay. Hindi naman talaga mahilig ang nanay ko magluto. Di naglaon, dinispatsa na rin ng nanay ko ang kalan dahil nga hindi naman siya mahilig magluto, at pamahal pa ng pamahal ang LPG. Isang uwi ko, nakita ko na nasa bakuran na namin ang kalan. Pinagretire na ng nanay ko. At bumili siya ng isang single electric stove. Para daw mas matipid dahil paisa isang ulam lang naman siya magpainit.

Noong miyerkules lang, nafeature sa isang news website iyong tweet ko tungkol sa panawagan ko para magresign na si Energy Sec. Petilla. Ipinusta niya kasi iyong posisyon niya, sabi niya pag hindi napailawan ang lahat ng lugar na naapektuhan ng bagyong Yolanda, magreresign siya. Ang weird lang dahil ipinamamarali niya sa media na 100% niyang narestore ang power sa lahat ng Yolanda-hit areas, pero parang hindi naman, kahit pa sa mismong kapitolyo ng Leyte. Nakakainis lang yung mga ganitong tao na kung anu anong papogi ang ginagawa, may papusta pusta pa ng posisyon. Sinasabi pa na nagfile umano ng resignation si Petilla pero ni-reject ito ng Palasyo. Eh pero sa Communications Group nanggaling yung statement so ewan ko. Sino ba namang nananalig sa mga sinasabi ng Ad agency ng Palasyo?

Si Energy Sec. Carlos Jericho Petilla.

Ang akin lang, bakit ba kailangan magresign ni Energy Sec. Jericho Petilla? Marami akong naiisip na rason, una na lang itong delicadeza. Ipinusta mo na ang pangalan mo pero hindi mo natupad pangako mo. Edi magresign ka na. Hindi yung resignation na pwedeng i-reject ng palasyo. Yung totoong resignation! Bakit nga si Ruffy Biazon kaya nyang mag irrevocable resignation eh. Bakit ikaw hindi diba? Kung gusto mo talagang magresign, makakapagresign ka.

Bukod pa dito, isang kabalintunaan na sa usapin ng pagmahal ng presyo ng kuryente, mas nagiging concerned pa si Petilla sa kung paano makasisingil ang mga supplier ng kuryente kaysa sa kung paano pipigilan ang nakaambang pagtaas ng singil. Nananakot na magkakaroon ng malawakang mga pagkawala ng kuryente pero hindi naman gumagawa ng paraan para mapamura ang singil.  Di ko tuloy maintindihan kung sino ang boss nito. Kapag ba public servant tayo, mas iniintindi ba dapat natin kung paano makasisingil ang mga ganito o kung paano naman maiibsan kahit papaano ang papataas ng papataas na presyo ng mga bilihin. Mabuti pa ‘tong mga to, alam ang diskarte para pigilan ang pagtaas ng kuryente.

Sa pananaw ko, lahat ng public office mayroong bias towards serving the interest of the citizens. Hindi lang iisang sektor. Magbabangga at magbabangga ang energy sector (na gustong magtaas ng singil) at ang mamamayan (na ayaw sa pagtataas at sa halip ay may dapat pa ngang makuhang refund), at dapat alam ng opisina ni Sec. Petilla kung kanino siya papanig sa mga ito. Kung hindi, edi magresign na nga lang siya. Una pa lang naman, di ko alam kung bakit siya ginawang Energy secretary. Wala naman siyang solid na background Energy sector at alam naman ng lahat iyon.

Delicadeza na lang naman. Sobrang nagmahal na nga ng LPG, tapos mahal pa ng kuryente. Hindi na ginagamit ng nanay ko yung electric stove na binili niya dahil malakas sa kuryente ang mga ganoong appliances. Pati iyong microwave at plantsa hindi na rin. Napapanahon na para magimbak kami ng uling na gagamitin sa pagluluto at pagpapainit ng mga pagkain. Siguro lang, alam naman ni Sec. Petilla na ganito na indahin ng mga mamamayan ang pataas ng pataas na presyo ng LPG, gasolina, at kuryente. Kung wala rin naman siyang magagawa para pababain ang presyo ng mga ito, wala akong nakikitang dahilan para manatili pa siya.

O baka gusto niya ng clue? *scrap oil deregulation law* *nationalize the energy industry*

Bibili na rin pala ako ng abaniko, para di mahirapan mag paypay sa uling.

Ang edukasyon kong negosyo.

Sembreak na ngayon ng nakararaming mga kolehiyo. Sigurado maraming mga bata ang kasalukuyang nageenjoy ng tinatamasa nilang bakasyon. Siyempre sino ba naman ang di maghahangad matapos ang mga paghihirap nila noong nakaraang semestre.

Pero speaking of paghihirap, sa susunod na linggo ay simula nanaman ng enrollment period, at siyempre synonymous sa enrollment ang pagbabayad ng matrikula na isa nanamang siyempre pahirap din, sa mga magulang, at lalo doon sa mga pamilyang palagiang pagsubok ang paghahanap ng ibabayad.

Pero ang tanong ay nasusulit ba ang ibinabayad natin sa pagpapaaral ng mga anak o kaanak natin sa kolehiyo?

Libu libong mag aaral na nakapila para sa pagkuha ng PUP College Entrance Test sa PUP Mabini Campus, Manila. (Litrato mula sa Missosology)

Di maikakaila, sa kasalukuyang panahon ang sektor ng edukasyon, sa kahit ano pa mang antas nito ay isang negosyo. Halimbawa na lamang, noong ako’y kinder, nag aral ako sa isang paaralang malapit lang sa amin. Pag aari ng kasamahan ng tatay ko sa ibang bansa. Pribadong kindergarten. Noong panahong yon, kapag medyo nakaluluwag ay ipinapasok ng mga magulang ang mga anak nila sa mga pribadong paaralan. Mas de kalidad daw kasi sa mga pribadong paaralan, at naaalagaan ang moralidad ng bata. Nung tumuntong ako ng Grade 1, ipinasok ako sa isang non-sectarian pero obviously katolikong paaralan. May rosaryo kasi kada Miyerkules. Muli, pribadong eskuwelahan. Dito na ako natuto magmura, makipagsuntukan, at grumaduate ng 4th year high school.

Nung pumasok ako sa kolehiyo, doon ko narealize na ang mahal pala ng ginagastos ng magulang ko sa edukasyon. Nakita ko kasi na nagpoprotesta ang maraming mag aaral dahil sa mga bulok na pasilidad ng pamantasan. Maliit pa ang binabayad kong matrikula noon. Nagulat ako kasi yung pasilidad ng pamantasan ko ay katulad lang din ng pasilidad namin noong highschool. Kung ganoon, saan pala napupunta ang binabayad naming matrikula sa loob ng sampung taon noon?

Sa kita. Dahil ang edukasyon ay negosyo na ngayon.

Mapa kolehiyong pribado o publiko, negosyo ang nangingibabaw na interes ng mga paaralan. Kapag ang isang institusyon ay negosyo ang iniisip, itinutuon nito ang interes nito sa pagkamal ng kita, sa halip na sa pagpapabuti ng serbisyo.

Halimbawa na lang nito ay ang pagiimplement ng Quarterm ng isang kolehiyo sa Maynila. Sa isang semestral mode na academic year, mayroong dalawang semestre na umaabot ng 5 buwan ang bawat isa at isang summer term na isang buwan. Ibig sabihin nito, sa isang taon ay dalawang beses kang magbabayad ng matrikula. Mayroong 17 linggo ang isang semestre, at optional ang summer para sa iyong mga advanced o back subjects. Pero sa sistema ng Quarterm, ang dating dalawang semestre at isang summer ay magiging apat na semestre na may tig aanim na linggo. Ibig sabihin nito, ang isang taon ng quarterm ay katumbas ng dalawang taon ng semestral. Mas mabilis ang phasing ng turo kaya’t mas marami kang maeenroll at matatapos mo ang iyong degree ng Engineering sa loob ng apat na taon (limang taon kapag sa semestral ang isang engineering course). Ipinagmamalaki pa ng nasabing pamantasan na isang paraan ito ng pagpapabuti ng kalidad ng kanilang turo, pero ang katotohanan ay isa itong kilos para kumita ng malaki. Biruin mo ba naman, sa isang taon, sa halip na dalawang beses ka lang magbabayad ng matrikula, ay gagawin nilang apat. Kumikita ang paaralan ng doble sa isang taon at mas mabilis silang nakakapagpatapos ng mga estudyante.

Di na nakakagulat tuloy kung bakit wala na sila sa Top 10 na paaralang pangInhinyerong Sibil sa Pilipinas.

Tunay pang pinatutunayan na ang sektor ng edukasyon ay ninenegosyo ng pagbili ng mga maimpluwensyang tao at pamilya ng mga paaralan. Kabilang na nga diyan ang pag ari ni Lucio Tan sa University of the East, pag ari ng mga Montinola sa Far Eastern University, at ang pinakabago ay ang pagdagdag ni Henry Sy ng National University sa kanyang koleksyon ng mga negosyo. Hindi pa kasama diyan ang pagiging public company at pagsali sa stock market ng Centro Escolar University.

Pero hindi eksklusibo sa usapin ng mga pribadong paaralan ang pagsasanegosyo. Sa mga pampublikong pamantasan, isyu na rin ang pagkokomersyalisa ng edukasyon. Maaaring itanong natin na paano at bakit?

Sa lumipas na labinlimang taon, nagiging trend sa mga pampublikong paaralan ang sunud sunod na kaltas sa badyet kada taon. Nito lamang 2010, umabot sa humigit kumulang 1.39B ang kaltas sa badyet na natanggap ng UP. Noon pang 1997, inaprubahan ng kamara ang Higher Education Modernization Act kung saan binibigyang laya ang mga pamantasang pampubliko na pumasok sa iba’t ibang uri ng agreement sa pribadong sektor upang magamit ang mga asset nito para gumawa ng kita.

Sa sunud sunod na kaltas at pagpasa ng HEMA, itinutulak ng pamahalaan ang mga pampublikong pamantasan at kolehiyo na maging independent na sa gubyerno pagdating sa usapin ng pera. Ibig sabihin, hangga’t maaari ay ang mayorya ng badyet ng mga pamantasan ay magmula sa sarili nitong kita, mula sa mga matrikula at miscellaneous fees. Dahil nageerode ang public funding ng mga pamantasan mula sa pamahalaan, mapipilitan itong magtaas ng singil sa tuition upang punan ang mga kakulangan nito sa badyet.

Nitong 2006, nagtaas ng matrikula ang UP ng di bababa sa 300%. Ang dating matrikulang 225/unit sa LB at 300/unit sa Diliman ay tumaas ng 1,500/unit. Dahil dito, mas nakararaming bata ang hindi na ninais pang tumuloy sa pagpasok sa UP dahil hindi nila abot ang matrikulang hinihingi.

Nakalulungkot lang na napakamahal mag aral sa Pilipinas pero hindi naman bumubuti ang kalidad ng turo. Ang pagnenegosyo ng pampublikong mga serbisyo tulad ng edukasyon ay parang vacuum cleaner na humihigop ng lahat ng pera natin ngunit minimal o wala tayong napapala. Nagmimistulang diploma mill na lamang ang mga pribadong paaralan at pangmayaman na lang ang mga pampubliko.

Sa huli, mamamayan din ang talo sa ginagawa ng pamahalaan at ng mga negosyante sa sektor ng edukasyon. Ang mga prominenteng paaralan ay nananatiling banal sa panlabas na paningin ngunit pinepera na ang panloob na sistema, samantalang ang mga pampublikong pamantasang dati sanang pamantasang panlahat ay nagiging banal dahil para na lamang sa mga kayang makaafford sa matrikula nito.

Sa usapin ng pagpapabuti ng kalidad ng buhay, isa lamang dito ang usapin ng edukasyon. Di pa kasali dito ang mga kontraktwalisasyon, BPO proliferation, at pangingibambansa para magtrabaho na kakaharapin ng mga graduates pagkalabas nila sa pamantasan. Sa paano matatamasa ang panlahatan at inclusive na pagbabago kung sa pag aaral pa lamang ay saklaw na ng ganitong uri ng sistema?

Walang makakasagot.

Dahil mahilig ako sa kontradiksyon, iiwan ko sa inyo ang mga katagang binitiwan ng paborito nating Pangulo at ng kanyang numero unong boy toy sa Senado:

“We allocated P23.4 billion to 112 State Universities and Colleges (SUCs) in 2011. This is 1.7 percent lower than the P23.8 billion budget for 2010. We are gradually reducing the subsidy to SUCs to push them toward becoming self-sufficient and financially independent, given their ability to raise their income and to utilize it for their programs and projects.” –President Noynoy Aquino, August 25, 2010

“I just wanted to clarify. There is no reduction in the budget of SUCs, including UP… So while it appears that on the basis of GAA and the NEP or even the GAB, there appears to be a deduction, the truth is merong increase because congressional insertions yung P2.810 billion which are not retained because these are congressional insertions. So that is the truth of the matter.” –Sen. Franklin Drilon, chairman of the Senate  Finance Committee, November 26, 2010

 

Minorya pa rin tayong mga nasa internet.

So natapos na ang eleksyon. Tapos na lahat ng bla bla. Di ako nagblog kasi busy ako sa pagmomonitor. Nakakaexcite pa naman dahil first time voter ako. Ganun pala yung pakiramdam. Magkaiba yung nanunuod ka lang sa TV ng NBA, kesa yung nanunuod ka ng NBA tapos meron kang pusta. Mas malapit yung pakiramdam dun sa pangalawa.

Kaso natalo ako sa pusta eh. Sa 10 ko na binotong senador, 4 lang ang lumabas. Hindi pa nakapasok si Dick. Tinamaan agad ng impotence.

Simula pa bago magsimula ang campaign period, nakatutok na tayo sa internet para ilabas ang sarili nating mga kuru kuro. Sa sarili kong pagtatasa, alam natin kung sino yung mga ayaw nating maupo.  Siyempre, nababanggit diyan sina Nancy Binay, may blog pa nga ako tungkol sa kanya. At marami pang iba, tulad nila Jack Enrile, pailan ilan tungkol kay Cynthia Villar, at kay BAM (Bobo Ang Maniniwala).

Pero sa kabila ng lahat ng mga palitan natin ng meme, kupalan, pang aalipusta sa kulay ni Nancy Binay, at pagkarinde sa paulit ulit na pagbibigay pugay ni Grace Poe sa tatay niya, ANYARE?

Eh ayon dito sa resulta ng eleksyon, yung nakakarindeng si Grace Poe eh nangunguna sa bilangan. Yung walang karanasan at BIMPO (Batang inudyukan ng magulang sa politika<sic>) na si Nancy Binay eh pang lima. Tapos yung sinasabi nating bobo ang maniniwala, pang 7th. So marami na bang bobo? Tapos yung mga manok natin na sina Gordon, Hagedorn, Hontiveros, Casiño atbp eh wala man lang sa Top 12.

Kanina habang nasa twitter, nabasa ko yung tweet ni @MayTinaMoran (bastos kung bastos, okay?) tungkol sa malaking tanong kung may malaki bang kinalaman ang Social Media sa pag-shape ng boto ngayong halalan. Direkta ang sagot niya.

Tayo tayo nga lang din naman.

Ayon sa Social Media Tracker ng ABS-CBN, number 1 si Nancy Binay sa pinag uusapan sa internet. Number 12 naman si Casiño. Pero ang ginagawa lang naman ng Social Media Tracker ay binibilang niya lang kung ilang beses lalabas sa twitter ang pangalan nila. Hindi naman sinasabi kung mabuti o hindi ang impormasyong yun o ikakasira nila.

Kung totoo man na nakatulong ang social media kay Nancy Binay para maluklok siya sa pwesto dahil madalas siyang nababanggit, regardless kung pangungupal sa kanya o hindi, ibig sabihin ba nito eh nakalugmok pa rin tayo sa sakit ng name recall?

O baka naman totoo ang sinasabi na The Filipino Internet Community is the Minority.

Naalala ko si Obama noong 2008. Instrumental sa pagkapanalo niya ang social media campaign. Mas higit na dinala sa internet at social media ang debate nila ni John McCain. Ganoon din nung 2010 laban naman kay Mitt Romney. May sarili pang social media team si Obama.

Pero sa Pilipinas, mukha ngang nananatili tayong minorya. Wala pang social media vote. Karamihan ng mamamayan ay hindi pa rin sa internet dumedepende pagdating sa impormasyon at pagkikilatis kung sinong dapat nilang iboto. Baka hindi pa ngayon siguro. Malay natin sa 2016, pag mas maraming bagong henerasyon ang papasok sa eksena ng eleksyon.

Ang ibig sabihin lang niyan, hindi pa rin tayo magkaqualify bilang isang fundamental political force. At mas malaki pa rin ang posibilidad ng atake sa ating internet freedom dahil karamihan naman sa mga naluklok eh walang pakialam kung ipatupad ang Anti Cybercrime Law. Yung iba ngang nanalo, pabor pa. Si Teddy Casiño nagfile ng petition laban sa cybercrime law, pero hindi natin siya nailuklok.

Sa huli, kailangan siguro muna nating tanggapin sa ngayon na palawak man ng palawak ang populasyong may access sa internet, hindi pa rin nila ito sineseryeso bilang isang knowledge and information source. Maraming tao ang may internet pero ginagawa lang nilang panooran ng fliptop, downloadan ng movies, laruan ng candy crush. Pero pagdating sa pagkikilatis ng mga kandidato, hindi pa rin ganoon tayo kabisa. Mas malaking challenge, mas malaking responsibilidad. Hindi na sana ganito sa 2016.

Dapat hindi na.

Google Doodle para sa Elections 2013 sa bansa.

Brownout!

Binabasa ko kanina kung bakit brownout ang tawag sa brownout dito sa Pilipinas. Totoo naman pala na merong term na brownout sa larangan ng elektrisidad at kuryente, pero iba ang ibig sabihin nito sa kung paano natin ginagamit.

Kahapon, mahigit dalawang oras ang brownout dito sa Luzon. Meron pa ngang MOA signing dito sa opisina kaya galit na galit na nagpapaypay ang mga bisor. Inabot pa ng mahigit 45 minuto para mabuksan ang lintik na ultra high tech na generator. Sa sobrang hightech ay hindi na mabuksan ng mga low tech na retirable personnel.

photo from ABS-CBN News

Pero mas higit akong nag alala sa magaganap na eleksyon sa lunes.

Dahil hindi pa rin nalalaman ang dahilan ng nasabing pagkawala ng kuryente, siyempre hindi maiwasan ang kaba ng mga tao. Sabotahe? Practice para sa magaganap sa eleksyon? Flex of muscle ng mga kontra sa eleksyon?

Posible.

Ano ngayon ang implikasyon ng pagkawala ng kuryente kapag eleksyon? Dayaan?

Hindi naman necessarily dayaan. Kasi sa sistema na pangalawang beses pa lang tayo magsasagawa ng automated elections, sa tingin ko ay hindi pa nalalaman sa malawakang scale kung paano dadayain ang resulta ng eleksyon. Sige nga, sabihin natin na ako ang mandaraya, tapos nawalan ng kuryente. Paano ako mandaraya eh wala ngang kuryente? Nasa makina ang bilang na dapat kong doktorin, eh di rin mabuksan ang makina dahil nga, err, walang kuryente.

Pero bakit mo isasabotahe kung hindi ka naman mandaraya diba?

Well, punta muna tayo dun sa paksa ng pagsasabotahe. Nakakataka din kung papaanong 5 planta ang sabay sabay na babagsak samantalang magkakalayo sila at magkakaiba ng may ari. Naalala ko tuloy yung pelikulang The Core (2003) kung saan para maiwasan ng gubyernong Amerika na i-launch ang Project Destiny ay hinack ni Rat Finch ang network ng power plants na sumusuporta sa proyekto. Nagdrain lahat ng pinoproduce na kuryente patungo sa isang maliit na planta sa Alaska at di nailunsad ang bombang nukleyar patungong core ng earth.

Pero pelikula lang yon, at kahit pa humihina na ang magnetic field natin sa Earth ay hindi yon interes ng mga Pilipino dahil mas interesado sila sa eleksyon. Iwan na lang natin sa USGS at NASA ang mga bagay na yan.

So bakit isasabotahe kung hindi naman siguradong makapandaraya? Para masira ang integridad at tiwala ng mga tao sa eleksyon.

Kung alam mong nawalan ng kuryente habang nagbibilangan, kahit pa nakagenerator ang COMELEC at canvassing areas, hindi mo maiiwasang tubuan ng duda at haka-haka. Baka dinaya, baka may hindi nabilang, baka malaking pursyento ang di nabilang, baka yung malaking pursyento na yon eh kayang ipapanalo si #13 sa halip na si #12. Baka hindi talaga nanalo yung prinoklama, etc etc. Total distrust sa resulta.

So ang hiling lang naman natin sa DOE, DND at COMELEC ay bigyang pansin mabuti ang banta na to. Matters of national security ito. Kung noong panahon na nailalagay sa peligro ang BEIs, canvassers at iba pa dahil inaabot ng gabi ang bilangan at walang kuryente, mas lalo siguro ngayon na ang resulta eh nasa loob mismo ng makinang pinatatakbo ng kuryente. Mas tutubuan tayo ng pagdududa sa resulta, mas masisira ang integridad ng eleksyon.

Aanhin natin ang tuwid na daan kung nagkakandarapa naman tayo sa kadiliman dahil walang ilaw?

Election Fiesta 2013

Kung nababasa mo to, hindi naman siguro ito ang unang eleksyon mong natunghayan. Ayon sa naaalala ko, 1998 ang unang eleksyon kong nasaksihan. Presidential yon kung saan nanalo si Erap. Badtrip na badtrip yung nanay ko kasi si Alfredo Lim ang binoto niya pero di nanalo. Pag naaalala ko ngayon, tinatawanan ko na lang siya. Haha. May papray-over pray-over at hand over head pa ang El Shaddai et. al. sa ulo ni Jose De Venecia.

Nasaksihan ko din yung 2004, 2007 at 2010. Yung 2004, nanumpa si Gloria sa Cebu tapos nanalo VP si Noli de Castro. 2007 nandaya daw sina Team Unity sa Maguindanao. Election preparations ng 2010 nung maganap yung Maguindanao Massacre.

Nakakamanhid na yung gulo ng eleksyon sa Pilipinas. Ineexpect ko na magiging game changer yung mga PCOS machines noong 2010, na magkakaroon tayo ng mas mature na banggaan sa pulitika, na mas mauunderscore yung plataporma kesa sa porma. Pero 2013 na, eh nakakakita pa rin ako ng mga ganito:

Kung bakit nila kailangan magtanggal ng t-shirt sa entablado habang nakikipagsayaw sa mga babaeng nakamaong na panty ay nilampasan na ang greater understanding ko ng human race. Iboboto ba natin sila batay sa kung ilan ang bilbil nila? Batay sa kung may chest hair sila? Di ko alam.

Sa local at national politics, tuluy tuloy lang ang sirko. Alam kong hindi ito naiiba sa mga kaganapan sa ibang bansa, tulad sa Amerika. Kaliwa’t kanan din ang banatan ng mga partido doon. Pero ang pinakamalala ko na yatang nakita eh kumain sa fastfood si Obama, bukod dun sa nakipagchacha si Bush.

Pero walang naghuhubad ng t-shirt.

Minsan pumapasok sa isip ko na mawawala na ba talaga ang respeto mo sa sarili para lang palakpakan, maalala, mapagkalibangan at mapagkatawanan ka ng mga tao? Kaya siguro nagkaroon ng election circus.

Sorry pero natatawa talaga ako kay Alfred Vargas dito.

Minsan tuloy naiisip ko, kung usapin ba ito ng political maturity. Feeling siguro ng mga kandidato, ang importante eh may pasabog silang image para sila maalala. Parang pag bumibili ng sabon o hotdog o kung anumang makikita sa supermarket. Kailangan sa moment na namimili ang botante ay ikaw ang maalala niya.

So ibig sabihin ba noon, hindi tayo nag iisip pag bumoboto? Ewan ko. Posible.

Dapat isa to dun sa isyu na nasosolusyonan ng automated ballot counting at PCOS eh. Sa halip kasi na isusulat mo ang ibinoboto mo tulad dati (na kung sino na lang talaga ang maalala mo eh sila na), ngayon ay inihahain ng balota ang lahat ng choices mo. Iseshade mo na lang. Dapat mas napapaisip ka. Dapat mas marami kang choices.

Well, kung hindi nasosolusyonan yun ng ganoong mga advancement sa teknolohiya eh we can simply imply na baka hindi pa nga talaga ganoon kapolitically mature ang Pilipinong botante. Or masyado lang tayong maaga mag assess.

Sa huli, nakakafrustrate lang din maisip. Sana sa 2016 may pagbabago na sa ganitong uri ng pasikatan. Nakakapagod na rin kasi. Nakakarindi ang mga motorcade na walang pinipiling oras ng pagdaan. Nakakainis na ang mga tarp na nagiging fire hazard na sa dami at nakasabit pa sa linya ng kuryente. At higit sa lahat, nakakasuya na ang utong ng mga kandidatong kailangan pa magtanggal ng kamiseta sa entablado.

Hindi sila magsasawa kung hindi tayo magsasawa sa kanila.

Be nice to Binays.

Pinaguusapan namin nung nakaraang dalawang linggo kasabay ng panonood ng Harapan 2013 (na naging Halikan Ng Pwet 2013) kung bakit nga ba hindi pumupunta ng mga debate si Nancy Binay. Siyempre naglabasan ang mga kagaguhang sagot ng mga tao, kasama na nga diyan yung bali balita na nakakuha ng Temporary Protection Order si Nancy Binay laban sa mga imbitasyon niya sa mga debate. Lakas ng tawa ko nung nalaman ko to. Kudos sa SoWhatNews.

So bakit nga ba hinahamon ng mga tao si Nancy Binay na magdebate? At bakit nga ba ayaw niya?

Si Nancy Binay, o mas tama sa pangalang Maria Lourdes Nancy Binay-Angeles ay ang panganay na anak ni Bise Presidente Jejomar Binay na mula sa masalimuot na pampulitikang pamilya sa Makati. Nagtapos siya ng Tourism sa University of the Philippines Diliman, pero sa kasaysayan ng buhay niya ay hindi siya nagkaroon ng ibang trabaho kundi bilang

  1. Executive Julalay ng nanay niya nung mayor pa ang huli sa Lungsod ng Makati
  2. Executive Julalay din ng erpats niya nung VP na ito
  3. Kung anu anong pwesto sa kung anu anong NGO

Kung maraming bumubuska kay Nancy Binay bilang isang walang karanasang BIMPO (Batang Iniudyok ng Magulang sa Politika<sic>) eh wala tayong magagawa dahil totoo naman yun. Pero marami namang mga taong may naisasagot sa debate kahit na walang masyadong karanasan bilang elected public servant, tulad nitong mamang to.

Bago natin sagutin ang tanong na nanganganak ng mas maraming tanong eh balikan muna natin ang mas malawak na accomplishment ng mga Binay sa pulitika.

Bakit nga ba nanalo si VP Binay at bakit nga ba mataas ang palo ni Nancy sa ratings (well, nung mga nakaraang buwan)?

Marami akong kakilala na nagmula sa Makati at naikukwento nila sa akin kung ano ang palakad ng mga Binay doon. Sa kanila ko nalaman kung ano itong Yellow Card na ito at kung bakit napakaimportante nito sa bawat taga Makati. Ayon sa kanila, malaki ang diskwento at madalas pa nga ay libre ang pagpapagamot nila sa mga ospital ng Makati. So kung merong nagpasimula ng Socialized Healthcare System sa bansa, si Binay siguro yon.

Kumalat ang ganitong mga kaganapan na siya namang naggatong at nagbigay baga sa pagtakbo ni Binay bilang bise presidente noong 2010. Nanalo nga siya sa ilalim ng tagline na “<yabang yabang about Makati here>. Ganito kami sa Makati, sana ganito din sa buong Pilipinas.”

Nothing wrong with Political dynasties?

Kung ano ang nangyari kay Jejomar Binay noong 2010, ito rin ang nangyayari ngayon kay Nancy Binay. Maganda ang Makati, may libreng paospital at 100,000php pag umabot ka ng 100 years old.

Pero ang tanong eh nangyari ba yung pangako na magiging ganun din ang buong Pilipinas?

Sa track record ng tatay niya eh hindi naman natin kailangan pang magbolahan. Wala pa ring socialized healthcare sa bansa bukod sa PhilHealth (na hindi naman socialized healthcare kundi parang obligatory medical insurance), sabog pa rin ang mga pabahay dahil ipinapatapon ang mga informal settlers sa mga housing na ni walang tubig o kuryente.

Sa kasalukuyan, nagkakaproblema si Nancy Binay dahil patuloy ang pagbaba niya sa ratings. Sa kabila ng patuloy na pagkakampanya sa kanya ng tatay niya. Siguro malaking bagay din na takot siya makipagdebate, tuluy tuloy ang pambubuska sa kanya sa internet at nakakapit pa rin siya sa pantalon ng erpat niya. Ang lakas pa ng loob magreklamo na nasacyberbully daw siya sa internet. Di ata narealize na public personality na siya sa pagtakbo niya bilang senador, kaya dapat maging handa siyang harapin ang diverse public opinion tungkol sa kanya.

Kapag natapos ang eleksyon, saan ba tayo pupulutin pag nanalo si Nancy Binay? Naglalagay ba tayo ng isang tao na tutuparin ang mga pangako niyang health card at libreng bitamina para sa mga bata at ina, o aasa lang din tayo sa pangako ng royal Makati family na sana maging katulad nila ang buong Pilipinas?

%d bloggers like this: