Dahil hindi hampaslupa si Asiong Aksaya.

Noong nakaraang linggo lang ay ibinaba ng COMELEC First Division ang hatol sa inihaing petisyon para i-disqualify ang mahal naming gubernador na si Jeorge ER Ejercito. Well, akala ko natapos na noong May ang drama na ito pero nagkakamali pala ako. May blog entry din ako sa dramang ito noong May 2013 elections.

Well, since 2010 ata eh sa wakas, nakapasok na sa limelight ng pagiging bida itong si ER Ejercito (ER na lang ha? for brevity). Alam naman natin siyempre na nagsimula si ER bilang kontrabida sa mga pelikula. Actually, noong nakaraang linggo lang eh napanood ko pa sa PBO ang pelikula na pinakapaborito ko ang role niya bilang kontrabida. Nakakatawa nga eh.

Nagsimula si ER Ejercito bilang alkalde ng Pagsanjan, ang bayang wala naman talagang falls. Naglingkod siya mula 2001 hanggang 2010 at naging gubernador naman mula 2010. Teka, news anchor din pala dati siya ng IBC Headliners.
At siyempre, habang gubernador siya ay artista din siya sa iba’t ibang pelikula, kasama na diyan yung biopic ni Asiong Salonga (na hindi naman tayo sigurado kung accurate) at ni Emilio Aguinaldo (siguradong hindi accurate).

ER Ejercito, and his trademark smile.

So ang gumugulantang na issue ngayon ay ang kanyang disqualification sa 2013 elections. Ako mismo, naguguluhan sa issue ng diskwalipikasyon after ng halalan. Bakit hindi kayo magdisqualify bago ang halalan para mas hindi magastos? Ewan ko ba.

Pero anyway, ang Laguna ay may mga 1,525,522 registered voters for the May 2013 elections. Sang ayon sa batas, ang isang local candidate ay maaari lamang gumastos ng tatlong piso kada botante. So kung tutuusin natin, mga 1,525,522 x 3 ay 4,576,566. Ibig sabihin, ganitong halaga lamang ang maaari niyang gastahin sa pangangampanya. Php 4,576,566. Eto yung official ruling at statement ng COMELEC.

Marami ang nagsasabi na sana hindi ito tainted ng pulitika. Alam naman ng marami na si ER ay nasa ilalim ng partidong United Nationalist Alliance o UNA, kalaban ng partido ni BS Aquino. Kung titingnan ang anggulo ng pulitika, siguradong meron dahil ang nagsampa ng kaso ng disqualification kay ER ay walang iba kundi yung kalaban niyang si Egay San Luis. Ang hindi ko lang makita ay kung paano siya dadaanin sa pulitika ng Comelec, eh yung mismong chair noon ay dating abugado ni Erap, FPJ, at consultant pa ng UNO.

Anyway, noong May 2013 din naman ay glaring ang laganap na paggastos ni ER Ejercito. Simula sa pagpapagawa ng halos walong minutong video presentation na ipinalabas pa sa ABS-CBN (nationwide telecast, di ko alam kung bakit) sa oras ng primetime, pagbibigay ng pera kaliwa’t kanan, La Laguna Festival (na hinaluan pa niya ng kembot dance moves. ugh.), at kung anu ano pang pautot. Di ko alam kung paano magkakasya ang 4.5 Million doon. Pero actually, si Egay San Luis din siguradong hindi aabot ang 4.5M sa gastusin. Biruin nyong nagpaprint pa siya ng mga polyeto para idikit sa mga pader, na nagsasabing Maralita sila at Hindi Hampaslupa. Okay.

Pero sige, kung sakali mang mapatunayan na nag-overspend nga si ER noong eleksiyon, ano ba ang mangyayari? Hindi rin naman maipupwesto si Ehay San Luis dahil, ahm, di naman talaga siya nanalo. Kung totoong si San Luis lang ang may pakana ng lahat, eh mukhang itong mamang ito ang pinakamakikinabang.

Ang Vice Governor na hindi nangampanya.

At teka nga, sino bang may sabing wala siyang interes na maging gubernador ng probinsya?

Eh ewan ko lang, kung mayroong napatunayan ang lahat ng pangyayari, yun ay

  • Hindi talaga hampaslupa si ER Ejercito, tulad ng ipinahayag niya sa debate sa UKG.
  • Ibang klaseng magtanim ng sama ng loob pala si Egay San Luis
  • Si Ramil Hernandez ang susunod na pinakamatipid na gubernador, na hindi ata gumastos noong eleksyon
  • Magulo at madrama ang halalan sa Laguna
  • Mga Lagunense nanaman ang talo.

Bago pa sumama ang loob nating lahat, magpakunswelo na lang tayo. At least ginawan niya tayo ng Music Video.

Advertisements

Bangsamoro 2000km away.

Nung nagkaroon ako ng ulirat sa usaping pambansa at natutong manood ng balita sa telebisyon, mayroon nang digmaan sa Mindanao. 1995. Sa katunayan, ito yung panahong pipirmahan ni Ramos at ni Misuari ang Final Peace Agreement sa pagitan ng pamahalaan at ng MNLF.

Isinilang ako sa panahon na hinuhulma ang pagkakakilala ng lahat sa Mindanao bilang isang magulong lugar. Noong bata nga ako, tinatanong ko ang nanay ko kung kailan pa nagsimula ang giyera sa Mindanao. Sabi niya, panahon pa daw ni Kristo, magkaaway na ang Katoliko at Muslim. Sa panahong magkasundo daw sila, katapusan na ng mundo.

Siyempre, pagtungtong ko ng hayskul, nalaman ko na na walang basehang opinyon lang pala ng nanay ko iyon tungkol sa digmaan sa Mindanao. Pero minsan nga naiisip ko, baka bago nga magkaroon ng pangmatagalang kapayapaan sa Bangsamoro ay baka abutan na nga tayo ng katapusan ng mundo.

May isang beses lang ako nakarating ng Mindanao. Hindi pa ako nakarating ng ARMM. Mayroon akong mga kaibigan mula sa Mindanao at ilan sila sa mga pinakamasayahin kong nakilala. Malayo sa kung paano ako nahubog mag isip noong bata sa kung anong mayroon sa Mindanao.

Sa lugar kung saan ako namamalagi ngayon, kulang kulang dalawang libong kilometro mula sa ARMM, hindi namin naririnig ang sabog ng mga mortar o putok ng mga punglo ng digmaang ito. Noong 2009 kung kailan halos hindi masikmura ng lipunan ang karahasan sa media at pulitikal na pamamaslang sa Ampatuan, hindi gaanong nayanig ang mga mamamayan dito. May nakidasal, nakisindi ng kandila, naki-minute of silence. Pero pagkatapos ay wala na rin nangyari. Iba ang nagagawa ng dalawang libong kilometro. Mas may pakialam pa ang mga tao sa boxing ni Pacquiao na libu libong kilometro ang layo ng pinaggaganapan kaysa sa mga miyembro ng medya na ibinaon sa isang burol sa Maguindanao.

Sobrang layo natin sa Bangsamoro. Puso o isipan. Kulturang kinagisnan.

Naiisip ko tuloy si Misuari at ang mga iba pang nakikipaglaban para sa “kalayaan” ng Bangsamoro. Kung saan nila hinuhugot ang kanilang ipinaglalaban, at kung bakit ganoon na lang ang kanilang lakas ng loob.

Arroyo and Ampatuan having lunch at Maguindanao. File photo.

Malaking salik sa pagkakabuo ng Bangsamoro ang kahirapan sa Mindanao. At tulad ng ibang naghihirap sa bansa, malaking salik rin dito ang salasalabid at malalim na ang pagkakaugat na problema ng kurapsyon. Noong 2009, naipit ang medya sa hidwaang pampulitika ng mga dinastiya sa Maguindanao. Mga kaalyado ng palasyo at mga kalaban sa pulitika. Isinisisi ng lahat ang pangyayari sa mga Ampatuan kung saan pa nga idineklara ang Martial Law sa Maguindanao para lipulin lahat ng kaanak ng mga Ampatuan. Pero kung susuriing mabuti, hindi naman aabot sa ganoong uri ng karahasan kung walang mga dinastiyang pampulitika sa Mindanao. Mga dinastiyang hindi lang dekada ang binilang sa pwesto, at patuloy pa na nagpapasasa sa sistema ng pulitika sa Pilipinas na pumapabor sa kung sinong may pera, may armas, at may kapit sa taas.

Perpekto ang recipe ng kurapsyon ng Pilipinas para masigurado ang pananatili ng kayamanan at kapangyarihan ng iilan sa Mindanao. Kung malala na nga dito sa mga probinsyang malapit sa Maynila, at lumalala pa, eh lalo naman siguro sa lugar kung saan ang mga mata ng medyang pambansa ay 2000 kilometro ang layo, at ang mga matatalas ang dila nama’y basta na lamang itinutumba.

Minsan gusto kong itanong kay Misuari kung ano ba ang plano niya kung ihihiwalay na niya ang Bangsamoro. Palalayasin niya ba ang mga dinastiyang pampulitika at itataboy papuntang Pilipinas*? Sa lahat ng panayam kay Misuari (o sa kahit na sinong mapagbukod na kilusan o rebelde) ay hindi naman tinatanong ang mga tanong na ito. Palaging nakatutok sa giyerang walang katapusan, at usapang pangkapayapaan na wala namang nadudulot na epektong pangmatagalan.

Naisip ko lang kung ano ang nangyari sa Lahad Datu noong ilang buwan na rin ang nakakalipas. Kung sakaling mapasakamay ng Pilipinas ang Lahad Datu, ano naman ang ating gagawin doon. Sa kasalukuyan, mayroon ding standing claim ang MNLF sa Sandakan at kalupaan ng Borneo matapos niyang isama ito sa Bangsamoro Declaration of Independence noong 2012.

Pero titimbangin din natin, kung tunay tayong may pakialam sa mga kapatid natin sa Bangsamoro, isipin natin kung tatanggapin na lang ba natin ang pananatili ng Bangsamoro sa talampakan ng Maynila, lugmok sa putik ng pulitika at kurapsyon ng ATING sistema, o hahayaan silang makapagdesisyon ng naaayon sa sarili nilang kagustuhan?

Noong marso, sa isang landmark na referendum 30 taon matapos ang madugong Falkland wars, idineklara ng mga residente ng Falkland Islands ang kanilang desisyong manatili bilang mga Briton. Sa digmaan noong 1983 ay ipinilit ng Argentina ang kanilang soberanya sa mga islang ito.

Sa konstitusyon ng Falklands, nasaad ang sumusunod:

All peoples have the right to self-determination and by virtue of that right they freely determine their political status and freely pursue their economic, social and cultural development and may, for their own ends, freely dispose of their natural wealth and resources without prejudice to any obligations arising out of international economic co-operation, based upon the principle of mutual benefit and international law; The realisation of the right of self-determination must be promoted and respected in conformity with the provisions of the Charter of the United Nations.

Sa panahong naniniwala ang ilan na lumipas na ang metodolohiya ng imperyalismo at pagsasamantala sa kapwa, ang kultura at teritoryo ng Bangsamoro, halos dalawang libong kilometro mula sa Palasyo, pinagkukuhanang yaman lamang ngunit di naman tinutugunan ang mga pangangailangan, pinagpapasasaan ng mga dinastiya at pamilya, ngayon nagnanais magsarili para naman “mapaunlad* at mapasagana*” ang kanilang buhay at lipunan, ay wala bang karapatang mapakinggan ang mga hinaing?

*ewan ko kay Nur Misuari o sa MILF kung paano nila gagawin ito.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Pork Barrel (issue) is dead.

Janet Lim Napoles mugshot at Camp Crame. File Photo.

Dahan dahan nang humuhupa ang galit ng tao kay Napoles. Hindi dahil bumabait siya kundi dahil tulad ng ibang isyu, pumapasok na sa kabaong at dahan dahan nang isinasara ang nitso ng Pork Barrel issue na ito.

Coco Levy Fund, Fertilizer Scam, ZTE-NBN deal, at ngayon etong Pork Barrel. Sabi nga ni Sandra Cam sa isang panayam sa mga past whistle-blowers (na pinabayaan na ng gubyerno ngayon), naaawa lang siya kina Benhur Luy at iba pang whistle blowers, dahil alam niyang sa huli, pagkakatulugan lang din ulit sa pansitan ng mga Pilipino ang issue na ito, at tuloy ang piyesta sa senado, kongreso, gubyerno, palasyo.

“Panahon na po upang i-abolish ang PDAF” sabi ni Noynoy, so natapos na doon ang galit ng maraming tao na unang nagngitngit sa pag abuso ng Pork Barrel. Para sa kanila, iyon na ang solusyon. Ayaw na nilang makidildil sa asin ng pakikibaka ng mga tibak, dahil ang pulitika ay spectators’ game lang para sa mga maraming oras sa kamay.

Naalala ko tuloy kung paano magtrabaho ang mga guwardya. As in security guard. Palitan sila ng shift, kadalasan dalawa o tatlo. Bago umalis ang isang guwardya, isusulat niya lahat ng update sa log book, para yung susunod na magbabantay ay alam kung ano o sino ang dapat bantayan, mga huling nangyari, para hindi na maulit ang huling paglusot, o krimen.

Guwardya tayo na nagbabantay sa pamahalaan. Ang problema, wala tayong log book kung saan inililista natin ang lahat ng nangyari ng nakaraan kung saan nalusutan tayo. Paulit ulit. Parang hirap tayong makaalala bilang lipunan.

At ang pagkalimot na iyon ay produkto ng pagdisembark mula sa pagsubaybay sa issue. Naiisip ko yung mga tibak, palagi silang galit at nakabantay. Bakit? Kasi kung ano yung nararamdaman pa lang ng mga tao ngayon, naramdaman na nila sa Coco Levy fund, sa Malampaya fund, sa Fertilizer fund, sa ZTE-NBN, sa Hello Garci, at sa kung anu ano pang pangsasalaula sa pera ng mamamayan. Pero ang karamihan, ngayon pa lang ulit naalala na nangyari nga pala yun.

Ang tunay na solusyon dito, patuloy na pagbabantay at pakikialam. At ang pakikialam ay hindi nakukuha sa pananatili online sa Facebook.

Lumabas. Makiisa. Makinig sa mga kuwento. At lumaban para sa pagbabago.

Mga susunod na aktibidades para sa krusada laban sa Pork Barrel

#100DAYS COUNTDOWN TO JUSTICE sa LUNETA PARK.

Makibaka laban sa Pork Barrel ni Aquino o kahit kanino.

7.8%!

Hindi ako magaling sa mga numero. Nasa kolehiyo pa lang ako, di ko na talaga hilig. Yung mga subject kong Economics, di rin ako ganun kainteresado. Di ako matatas sa usapang pera dahil wala naman ako nun in the first place.

Pero hindi mo kailangan maging magaling sa ekonomika o sa numero para malaman mo kung umuunlad ang bansa o hindi.

Kahapon lang, nakabandera sa mga pahayagan sa radyo, telebisyon, internet, at diyaryo ang pinakamalaking paglobo ng ekonomiya ng bansa, na umabot na nga di umano sa 7.8% na pinakamalaki sa ating rehiyon. Nakakagulat para sa iilan pero hindi na ito bago, sa unang kwarto pa lang ng 2013 ay pumapalo na diumano ang ekonomiya natin. Maraming nagsasabi ng kung anu anong dahilan nito tulad ng improved government efficiency at increased foreign investments at kung anu anong hulabaloo, yung iba naman sabi dahil daw masyado tayong gumastos noong eleksyon.

Pero hindi naman issue dito ang 7.8%. Nagpipista ang mga nasa Makati at Bonifacio Global City (na may ironic na pangalan) dahil umuunlad ang ekonomiya, pero yung mga kapitbahay nilang mahihirap na obrero, minimum wage earners, magsasaka, at kahit mga payak na mamamayan, hindi naman ramdam ang pagunlad.

Habang nagiinternet ako kagabi, napasadahan ko yung status ni Pau Sarigumba, University Student Councilor dito sa campus kung saan ako nagtatrabaho. Sabi niya “Dear 1%, patikim naman nyang ‘GDP rise’, ‘pagpalo ng piso kontra dolyar’, ‘investment grade credit ratings’ and all that shizz na sinasabi ng media. Masarap daw yan. Mumo na lang ata kasi ang natitira sa aming mga nasa baba.”

Totoo naman. Kung totoo man ang “trickle down effect”, sana meron man lang nagtitrickle talaga sa ibaba. Eh kaso, parang wala.

Kung tumataas ang GDP ng bansa natin sa 7.8%, ibig sabihin nito ang produksyon natin ay tumataas, mas marami ang nagiinvest mula sa labas at may mga umaangat na industriya. Pero sa totoo lang, nagpupuntahan ang mga investor sa bansa dahil tumataas ang minimum wage sa ibang bansa tulad ng China, at nagkakarambola ang pulitika sa ibang bansa tulad ng Vietnam at Malaysia.

Kung ganon, ang hirap basahin ng pag unlad na itinatatak sa pahayagan ng gubyernong ito, kung ang ekonomiya naman pala natin ay nakasalalay lang din sa paghina ng ekonomiya ng iba. Isa pa, dahil tumataas ang pasahod sa China, ibig sabihin nagpupunta sila dito dahil mas mababa ang pasahod. At oras na itaas natin ang pasahod ay mag aalisan din sila.

Eh paano mo nga mararamdaman ang pag unlad, kung manggagawa ka at di naman tumataas ang pasahod sa iyo?

Isa pa, sa pagpapatalas ng pamahalaan sa sektor ng industriya at production tulad ng parts assembly at iba pa, mas nadadrive lang nito ang mga mamamayan na maging minimum wage earners dahil ito lamang din naman ang trabahong magagawa ng ganitong uri ng industriya. Kung kumikita ka ng minimum wage, at alam mo namang hindi nga ito itataas ng pamahalaan, paano ka uunlad?

Ah, nagets ko na. Kaya pala sa K+12, talagang idadrive kang magaral ng mga technical vocational courses. Para meron silang patuloy na panggatong sa ginawa nilang sistema.

Isa pa, kung lumalakas ang piso laban sa dolyar, dapat nagmumura din ang mga batayang pangangailangan na inaangkat natin mula sa ibang bansa. Eh ang nangyayari pa nga, puro pagtataas ng presyo.

So saan ba talaga nagbabara ang tinatawag nilang pag unlad?

Tumataas ang produksyon at eksportasyon, ibig sabihin lumalaki ang kita, pero di tumataas angs sahod ng mga manggagawa. Saan napupunta ang dagdag na kita? Sa kapitalista.
Mas mura ang langis dahil mas malakas ang piso, pero overpriced naman ang presyo ng krudo sa mga gasolinahan. Saan napupunta ang dagdag kita? Sa kapitalista.

Tapos, ipapamandera ng pamahalaan ang 7.8% increase, na masarap para sa mga kapitalista, pero mumo lang ang bumabagsak sa atin.

Ang pag unlad naman kasi, hindi nasusukat sa numerong buhat ng mga negosyo o industriya. Sa payak na mamamayan, ang pag unlad, ay yung kapanatagan na mayroon kang makakain sa paglipas ng isang araw dahil may trabaho ka na may nakabubuhay na sweldo, may abot kayang bilihin, at may oportunidad para sa lahat.


 

Di tayo friends ng lahat.

Noong nakaraang taon pa nagsimula ang girian ng China at Pilipinas dahil sa girian sa Scarborough shoal. Matapos ang mahabang panahon ng “konting” pananahimik sa  South China Sea* ay nagkagirian matapos na magkaroon ng stand off ang Philippine Navy at armada ng Chinese Navy na siyang naroon din naman sa lugar. Huhulihin dapat ng PN ang mga nangingisdang chinese sa shoal pero nang huhulihin na nila ang mga ito ay siya namang dating ng Navy ships ng China. Atras tayo kase eto lang yung barko natin dun. Eh eto yung kanila.

Alam naman na siguro ng mundo ang nangyayaring painitan ng ulo sa South China Sea. At ngayon nga, mas lumalala pa dahil nakisawsaw pa ang Taiwan.

Noong nakaraang linggo lang, nabaril/binaril ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard ang mga mangingisdang Taiwanese matapos silang tangkain na banggain. Illegal na nangingisda sa nasabing lugar ang mga Taiwanese, pero sabi nila Taiwanese territory daw yun. Ang weird lang kasi sa Balintang Channel naganap yung nasabing kumprontasyon (na sinasabi nilang Taiwanese territory). Kayo na nga ang humusga:

So may Taiwanese territory pala sa pagitan ng Batanes at Cagayan. So yung continuity natin mula sa north, bale Taiwan-Batanes-Taiwan-Cagayan. Hindi ko na talaga maintindihan ang henerasyon ngayon.

Pero sige, moving on.

Kung babalikan pa natin ilang buwan pa lang ang nakakaraan eh daan daang Pilipino naman ang pinagpapatay sa Lahad Datu dahil sa isang forced occupation na iniutos ng sultan ng Sulu. Sa halip na irepatriate, pinatay na lang nila at ikinulong yung mga nahuling Pilipino. Pinalayas pa yung mga refugees sa iba’t ibang Kampung at Tanjung sa Malaysia dahil sa nangyari. Siyempre binalasubas ni Noynoy si Sultan Kiram at hindi pinakinggan yung mga concerns niya kahit pa sinasabi niyang standing ang claim ng Pilipinas sa Sabah. Siyempre, gusto niya forever silang friends, kahit di niya alam na posibleng pinagpapatay lang yung mga Pilipino sa Sabah para mareelect yung friend niya.

Doon ngayon iikot yung tanong. Bakit nga ba kasi tayo maraming kaaway ngayon?

Di ko tuloy maiwasang alalahanin yung mga panahong elementary pa ako. Typical ang school ko nun at kumpletos rekados; may mga honor student na feeling nila sila lang ang matalino, may mga lalamya lamya na masarap awayin dahil alam mong di sila papalag kahit agawan mo ng baon, at meron mga bullies na sa araw araw na ginawa ng Diyos eh walang ginawa kundi mag muscle flexing sa mga kaklase nilang takot sa kanila.

Tayo siguro yung pangalawa. Marami kasi tayong baon. Marami tayong teritoryo na hindi natin nababantayan, karapatan na hindi maipagtanggol, at lakas ng loob pero wala namang sandata. Kaya tayo binubully dahil masarap tayong ibully. Lalo’t alam mong hindi makakapalag.

Hindi nakakapalag kasi laging iniisip yung economic ties na masisira, yung friendship na mawawala. Economic ties na nag eexploit lang naman sa mga OFWs natin para maging biktima ng trafficking. Friendship na nagbubukas lang ng bansa natin into further access ng mga foreign companies sa natural resources i.e. mining, etc.

Darating ang panahon na lahat ng isla sa South China Sea ay nasa Tsina na, tapos para makapunta ka ng Batanes eh kailangan mo na laging mag eroplano dahil Taiwanese territory na yung dagat sa pagitan ng Batanes at Cagayan. At mauubos lahat ng tauhan ng Sultan kakapadala sa Sabah, pero masarap pa rin ang upo ng presidente dahil mahalaga eh restored ang peace. Ok naman na eh, nagpadala na kami ng diplomatic protest.

Naisip ko lang, ano kayang pakiramdam na ikaw yung nagtatrabaho sa DFA at tagadala ng diplomatic protest sa embahada ng Tsina. At yung taga tanggap naman sa embahada?

“Hey, I dropped by to deliver again a diplomatic protest from my boss. Hehe”
“Well, thanks! Kindly photocopy our response from the previous protest you’ve sent. Thanks!”
“No prob. Tara yosi!”

Kung palagi na lang image ang concern ng administrasyong ito, hindi na ko magugulat na darating ang panahon na Maynila na lang ang Pilipinas.

*South China Sea ang ginamit kong termino dahil ito ang internationally-recognized name ng nasabing anyon tubig. Hindi mapapalakas ng simpleng change of official name ang claim natin sa Spratly’s. Ang kailangan ay mabisang pamamaraang militar, legal, at diplomatiko.

Minorya pa rin tayong mga nasa internet.

So natapos na ang eleksyon. Tapos na lahat ng bla bla. Di ako nagblog kasi busy ako sa pagmomonitor. Nakakaexcite pa naman dahil first time voter ako. Ganun pala yung pakiramdam. Magkaiba yung nanunuod ka lang sa TV ng NBA, kesa yung nanunuod ka ng NBA tapos meron kang pusta. Mas malapit yung pakiramdam dun sa pangalawa.

Kaso natalo ako sa pusta eh. Sa 10 ko na binotong senador, 4 lang ang lumabas. Hindi pa nakapasok si Dick. Tinamaan agad ng impotence.

Simula pa bago magsimula ang campaign period, nakatutok na tayo sa internet para ilabas ang sarili nating mga kuru kuro. Sa sarili kong pagtatasa, alam natin kung sino yung mga ayaw nating maupo.  Siyempre, nababanggit diyan sina Nancy Binay, may blog pa nga ako tungkol sa kanya. At marami pang iba, tulad nila Jack Enrile, pailan ilan tungkol kay Cynthia Villar, at kay BAM (Bobo Ang Maniniwala).

Pero sa kabila ng lahat ng mga palitan natin ng meme, kupalan, pang aalipusta sa kulay ni Nancy Binay, at pagkarinde sa paulit ulit na pagbibigay pugay ni Grace Poe sa tatay niya, ANYARE?

Eh ayon dito sa resulta ng eleksyon, yung nakakarindeng si Grace Poe eh nangunguna sa bilangan. Yung walang karanasan at BIMPO (Batang inudyukan ng magulang sa politika<sic>) na si Nancy Binay eh pang lima. Tapos yung sinasabi nating bobo ang maniniwala, pang 7th. So marami na bang bobo? Tapos yung mga manok natin na sina Gordon, Hagedorn, Hontiveros, Casiño atbp eh wala man lang sa Top 12.

Kanina habang nasa twitter, nabasa ko yung tweet ni @MayTinaMoran (bastos kung bastos, okay?) tungkol sa malaking tanong kung may malaki bang kinalaman ang Social Media sa pag-shape ng boto ngayong halalan. Direkta ang sagot niya.

Tayo tayo nga lang din naman.

Ayon sa Social Media Tracker ng ABS-CBN, number 1 si Nancy Binay sa pinag uusapan sa internet. Number 12 naman si Casiño. Pero ang ginagawa lang naman ng Social Media Tracker ay binibilang niya lang kung ilang beses lalabas sa twitter ang pangalan nila. Hindi naman sinasabi kung mabuti o hindi ang impormasyong yun o ikakasira nila.

Kung totoo man na nakatulong ang social media kay Nancy Binay para maluklok siya sa pwesto dahil madalas siyang nababanggit, regardless kung pangungupal sa kanya o hindi, ibig sabihin ba nito eh nakalugmok pa rin tayo sa sakit ng name recall?

O baka naman totoo ang sinasabi na The Filipino Internet Community is the Minority.

Naalala ko si Obama noong 2008. Instrumental sa pagkapanalo niya ang social media campaign. Mas higit na dinala sa internet at social media ang debate nila ni John McCain. Ganoon din nung 2010 laban naman kay Mitt Romney. May sarili pang social media team si Obama.

Pero sa Pilipinas, mukha ngang nananatili tayong minorya. Wala pang social media vote. Karamihan ng mamamayan ay hindi pa rin sa internet dumedepende pagdating sa impormasyon at pagkikilatis kung sinong dapat nilang iboto. Baka hindi pa ngayon siguro. Malay natin sa 2016, pag mas maraming bagong henerasyon ang papasok sa eksena ng eleksyon.

Ang ibig sabihin lang niyan, hindi pa rin tayo magkaqualify bilang isang fundamental political force. At mas malaki pa rin ang posibilidad ng atake sa ating internet freedom dahil karamihan naman sa mga naluklok eh walang pakialam kung ipatupad ang Anti Cybercrime Law. Yung iba ngang nanalo, pabor pa. Si Teddy Casiño nagfile ng petition laban sa cybercrime law, pero hindi natin siya nailuklok.

Sa huli, kailangan siguro muna nating tanggapin sa ngayon na palawak man ng palawak ang populasyong may access sa internet, hindi pa rin nila ito sineseryeso bilang isang knowledge and information source. Maraming tao ang may internet pero ginagawa lang nilang panooran ng fliptop, downloadan ng movies, laruan ng candy crush. Pero pagdating sa pagkikilatis ng mga kandidato, hindi pa rin ganoon tayo kabisa. Mas malaking challenge, mas malaking responsibilidad. Hindi na sana ganito sa 2016.

Dapat hindi na.

Google Doodle para sa Elections 2013 sa bansa.

Diyos ex Makina at kung paano mamamatay ang mga artista.

Napag usapan namin recently kung anong mangyayari sa election dahil sa PCOS na ang gagamitin. First time voter ako ngayong halalan dahil di ako nakaboto noong 2010. Busy kasi ako noon sa ibang mga bagay tulad ng pang iimpluwensya sa iba na iboto si ganito at si ganyan. Three votes are better than one, ‘ika nga.

Napagusapan namin ngayon yun PCOS. Higit sa lahat, hindi ito yung sakit na nakamamatay kundi mas para pa ngang gamot sa sakit ng electoral system ng bansa.

Ang Precint Count Optical Scanner ay, para mas simple, isang makina na magbibilang ng boto mo ayon sa iyong shinade sa balota. So kung marunong kang tumaya ng Lotto ay malamang alam mo ang tinutukoy ko. 

Image

So basically, ipapasok mo dito yung balota mo tapos bibilangin niya at aalamin kung sino ang mga binoto mo batay doon sa iyong mga shinade at itatransmit ang mga bilang sa municipal or city board of election canvassers na tinatawag. Well, lahat ng to mangyayari basta siyempre may kuryente. Di lang natin alam kung paano pag wala.

Kung meron tong nasolusyonan na bagay, unang una na dun eh hindi na kailangang magkurdon sa kalye ng mga tao at upuan ang ballot boxes habang ibinabyahe dahil electronic na ang pagtransmit ng datos patungo sa M/CBEC. At siyempre, di na kailangan tawagin isa isa ang mga binoboto mo dahil wala nang canvassing sa presinto.

On the deeper side of it, naisip ko rin na malaking solusyon ang PCOS para gamutin yung matagal nang mga nakasanayang kultura kapag eleksyon, yung name recall.

Dati kasi pag boboto ka, isusulat mo sa balota yung iboboto mo. Eh yung mga pilipino tamad, edi siyempre di naman gagawa ng listahan yang mga yan. Pagsabak tuloy sa presinto, hindi prepared. Kung sino na lang ang maalala mo eh siya na.

Pabor ito doon sa mga artista at kung sinu sinong sikat. Naisip ko tuloy, pakiramdam ko vital ang role ng name recall kaya nakapwesto si Erap (na artista) at iba pang mga artista noong mga eleksyon ng 1990s. Kasi pag nag isip ka, ang una mong maalala eh yung sikat, yung matunog ang jingle, yung may usong pelikula.

Pero ngayong 2013, medyo maiiba na ang platform ng botohan dahil lahat nakalatag na sa balota mo. Pipili ka nalang. In that way, naisasantabi yung name recall at mas nabibigyang konsiderasyon yung plataporma ng mga kandidato.

Actually, pareho kami ng iniisip ni Mon Casiple.

Siyempre malaki din yung kontribusyon ng social networking at internet sa ganito. Mas madali na kasi malaman ang plataporma ng kandidato. Mas accesible na ang impormasyon. Kaya mas malalaman mo kung sino yung wala talagang plataporma.

Sana maging gamechanger na talaga ang mga pangyayari na ito para mas mapamature ang political culture natin sa bansa. Di natin sinasabing perfect na mga instrumento ang mga ito. Siyempre ang kurapsyon ay parang peste din sa halaman, kung same na insecticide lang din ang gamit natin eh makakaadapt din yan at makakahanap ng paraan para magsurvive. Kaya dapat continuously evolving ang sistema natin sa pulitika para at least one step ahead tayo against corruption at dayaan.

At maiwasan na sana yung mga artistang wala naman plataporma at nanalo lang dahil sikat.

Lalo na to. Wag naman sana.

%d bloggers like this: