Nagbabalik!

Ang pulitika sa Pilipinas ay parang anay sa bahay. Alam natin na meron pero hindi natin pinapansin, hanggang isang araw na lang guguho ang bahay dahil napabayaan na nating lamunin nito. Pero ang pulitika, hindi kaya ng simpleng baygon o pest control lang.

Ngayong 2015 na at laganap nanaman ang mga sirkero at buwaya sa malaking entablado ng halalan, ipilit nating ibalik kung paano ba natin pilit na iniintidi ang magulong pulitika sa bansa, at kung bakit ba tinatrato ni Mar Roxas na parang #AlDub ang tambalan nila ni Grace Poe. (Siguro kasi parehong fake, at pinapabitin lang ang mga tao para makinabang sila).

Ngayon, sasamahan na din natin ng mga usapang showbiz kachipan ang pulitikang usapan, mainly dahil alam naman natin na parang estado at simbahan ang pulitika at showbiz, magkahiwalay daw pero alam naman ng lahat na hindi.

Marami pa tayong pag uusapan.

Ako si Hector, ito ang aking blog.

Sarsuela de Bobo

So kanina lang ay nabalitaan ko na pumasa sa unang pasada ang tatlong impeachment complaint laban kay BS Aquino. Nakakatawa isipin na sa karagatan ng mga tagasuporta ni mahal na pangulo sa kongreso pumapasa ang mga ganitong balakin.

Palakpakan? Maagang tagumpay para sa oposisyon? Hindi rin.

Sa kasalukuyan, umiikot ang script sa impeachment kay Aquino. Sa una, papalabasin na walang bias ang kamara sa usapin ng impeachment. Na kuno eh mga statesmen ang mga taga Liberal Party at kung sa usapin ng mga rekisitos ng impeachment complaint eh papapasahin nila para kunwari ay walang bias. Sa katunayan, may mga taga LP na bumoto na pasado sa kanila ang impeachment complaint “in form”, pero siguradong kakarnehin lang din at ibabasura pagdating sa ikalawang pasada ng debate kung saan ang pag uusapan kung pasado ba ang impeachment complaint “in substance”.

Di ko lang alam kung anong klaseng moro moro o sarsuela o kung ano pang entablado ang ginaganap sa usaping ito ng impeachment sa kongreso.

Hindi naman sa hindi ako pabor sa impeachment pero pag naghain tayo sa isang kamara ng impeachment case laban sa alyado ng mga miyembro nito, alam naman natin kung saan din patutungo ang ganitong mga bagay. Wag na tayo magsayang ng kuryente at pameryenda sa mga hearing ng house committee on Justice. Mismong chair pa lang ng komite, alam mo naman na kung saan ang kiling. Subok na yan sa nagdaang impeachment case.

Ano pa bang aasahan? Para tayong nanood ng pelikula na remake. Alam naman na kung sinong mananalo sa huli, nagsayang pa ng budget sa artista at sine.

(Dis)honor code

Kamakailan lamang ay lumutang ang isyu ng tungkol sa ekspulsyon mula sa Philippine Military Academy  ng kadeteng si Jeff Cudia. Sa katotohanan, wala na sana akong pakialam sa isyu kung naexpel siya o hindi, dahil kung sa personal lang naman, mas makabubuti pang hindi na lang maging bahagi ang kahit na sino ng isang institusyong malala ang rekord ng paglabag sa karapatang pantao at may mahabang listahan ng atraso sa tao at sa sambayanan.

Pero dahil andito na rin tayo ay pag usapan na rin naman natin. Ayon sa trail ng kwento na nabasa ko eh hindi naman pala talaga siya nagsinungaling. Na-late lang siya sa klase dahil pinahintay sila saglit ng propesor nila sa previous subject niya. Pinatunayan naman iyon nung kanyang propesor. Ngayon ang mahirap mahanap eh kung saan siya sa bahaging iyon may kasalanan.

Mga estudyante ng PMA.

Ang sinasabing PMA Honor Committee (na humatol sa kanyang kaso) ay binubuo rin ng mga kapwa niya estudyante sa PMA. Ibig sabihin, posible na sa mga estudyanteng ito, mayroon siyang kalaban sa honor roll. TANDAAN: 2 buwan na lang bago ang graduation, at salutatorian ng klase si Cudia.

Hindi ko ginagamit o tinitingnan ang mga bagay bagay sa perspektiba ng mga sundalo. Para sa akin ang PMA ay walang pinagkaiba sa UP o iba pang institusyong pinopondohan ng pamahalaan. Ang mga kadete ay estudyante. Wala akong pakialam kung sabihan akong hindi ko maiintindihan ang patakaran ng akademya bilang isa akong sibilyan. Itong mentalidad ng PMA na ito mismo ang pinagsisimulan ng pagiging detached o nakabukod ng mga sundalo sa realidad ng tunay na buhay, ng lipunan at ng bayan. Hindi nila nakikita ang sarili nila bilang mga sibilyan, at tinitingnan nila ang mga sibilyan bilang mas mababang uri na hindi maiintindihan ang patakaran ng akademya. Posible na maiuugnay mo rito kung bakit sila ganoon trumato sa mga mamamayan: paglabag sa karapatang pantao, kurapsyon sa kaban ng bayan, atbp.

Hindi sa kahit na anong pamamaraan nakatataas ang patakaran ng PMA sa mga patakarang itinatakda ng mamamayan sa lipunan. Mas masasabi ko pa ngang mas mababa. Kung hinasa ka sa matataas at istriktong “standard” ng PMA, pero pag labas mo ay ni hindi mo mapigilan ang kamay mong makialam sa kaban ng bayan, mas malaki ang problema mo kaysa sa mga payak na mamamayang walang pangalan o kapangyarihan. Bago ipagsubsuban ng PMA sa estudyante nila ang banal at kataas taasan nilang Honor Code, baka gusto nilang suriin muna kung anong nangyari sa mga alumni nila’t hindi napangalagaan ang Honor Code? Pagnapagtanto na nila kung saan nagkukulang ang nasabing Code (at kung bakit sa kabila ng lahat ay nangungurakot ang ilang mga alumni nila) ay saka nila rebisahin at ipatupad, para naman lumapat muli ang paa ng mga heneral nila sa lupa.

Sa huli’t huli, bumubukol naman ang intensyon ng mga tao sa PMA: Patalsikin si Cudia para iba ang maging salutatorian. Obvious naman eh. At ironically, ang ganyang mentalidad ay hindi lang sa akademya natatagpuan, kundi sa lahat ng institusyong may kompetisyon. Hindi mahirap maintindihan para sa isang sibilyang katulad ko ang ganitong klaseng diskarte.

Sibilyan lang ako, pero nagets ko. Kayo ba?

Petilla, delicadeza, at bakit dapat ka nang mag imbak ng uling.

Noong bata ako, meron kaming malaking kalan sa bahay. Three stoves, tapos may oven pa sa ilalim. Kaya dati naaalala ko nung 5-years old ako, ipinagbake pa ako ng nanay ko ng cake nung birthday ko. Sweet. Yung kalan namin, La Germania pa yun na parang ganito. Paulit ulit kong tinatanong sa nanay ko kung saan niya binili, pero palagi niya lang sinasabi na napanalunan sa raffle.

Nung nagcollege ako, kapatid ko na lang na bunso at nanay ko ang naiwan dito sa bahay. Hindi naman talaga mahilig ang nanay ko magluto. Di naglaon, dinispatsa na rin ng nanay ko ang kalan dahil nga hindi naman siya mahilig magluto, at pamahal pa ng pamahal ang LPG. Isang uwi ko, nakita ko na nasa bakuran na namin ang kalan. Pinagretire na ng nanay ko. At bumili siya ng isang single electric stove. Para daw mas matipid dahil paisa isang ulam lang naman siya magpainit.

Noong miyerkules lang, nafeature sa isang news website iyong tweet ko tungkol sa panawagan ko para magresign na si Energy Sec. Petilla. Ipinusta niya kasi iyong posisyon niya, sabi niya pag hindi napailawan ang lahat ng lugar na naapektuhan ng bagyong Yolanda, magreresign siya. Ang weird lang dahil ipinamamarali niya sa media na 100% niyang narestore ang power sa lahat ng Yolanda-hit areas, pero parang hindi naman, kahit pa sa mismong kapitolyo ng Leyte. Nakakainis lang yung mga ganitong tao na kung anu anong papogi ang ginagawa, may papusta pusta pa ng posisyon. Sinasabi pa na nagfile umano ng resignation si Petilla pero ni-reject ito ng Palasyo. Eh pero sa Communications Group nanggaling yung statement so ewan ko. Sino ba namang nananalig sa mga sinasabi ng Ad agency ng Palasyo?

Si Energy Sec. Carlos Jericho Petilla.

Ang akin lang, bakit ba kailangan magresign ni Energy Sec. Jericho Petilla? Marami akong naiisip na rason, una na lang itong delicadeza. Ipinusta mo na ang pangalan mo pero hindi mo natupad pangako mo. Edi magresign ka na. Hindi yung resignation na pwedeng i-reject ng palasyo. Yung totoong resignation! Bakit nga si Ruffy Biazon kaya nyang mag irrevocable resignation eh. Bakit ikaw hindi diba? Kung gusto mo talagang magresign, makakapagresign ka.

Bukod pa dito, isang kabalintunaan na sa usapin ng pagmahal ng presyo ng kuryente, mas nagiging concerned pa si Petilla sa kung paano makasisingil ang mga supplier ng kuryente kaysa sa kung paano pipigilan ang nakaambang pagtaas ng singil. Nananakot na magkakaroon ng malawakang mga pagkawala ng kuryente pero hindi naman gumagawa ng paraan para mapamura ang singil.  Di ko tuloy maintindihan kung sino ang boss nito. Kapag ba public servant tayo, mas iniintindi ba dapat natin kung paano makasisingil ang mga ganito o kung paano naman maiibsan kahit papaano ang papataas ng papataas na presyo ng mga bilihin. Mabuti pa ‘tong mga to, alam ang diskarte para pigilan ang pagtaas ng kuryente.

Sa pananaw ko, lahat ng public office mayroong bias towards serving the interest of the citizens. Hindi lang iisang sektor. Magbabangga at magbabangga ang energy sector (na gustong magtaas ng singil) at ang mamamayan (na ayaw sa pagtataas at sa halip ay may dapat pa ngang makuhang refund), at dapat alam ng opisina ni Sec. Petilla kung kanino siya papanig sa mga ito. Kung hindi, edi magresign na nga lang siya. Una pa lang naman, di ko alam kung bakit siya ginawang Energy secretary. Wala naman siyang solid na background Energy sector at alam naman ng lahat iyon.

Delicadeza na lang naman. Sobrang nagmahal na nga ng LPG, tapos mahal pa ng kuryente. Hindi na ginagamit ng nanay ko yung electric stove na binili niya dahil malakas sa kuryente ang mga ganoong appliances. Pati iyong microwave at plantsa hindi na rin. Napapanahon na para magimbak kami ng uling na gagamitin sa pagluluto at pagpapainit ng mga pagkain. Siguro lang, alam naman ni Sec. Petilla na ganito na indahin ng mga mamamayan ang pataas ng pataas na presyo ng LPG, gasolina, at kuryente. Kung wala rin naman siyang magagawa para pababain ang presyo ng mga ito, wala akong nakikitang dahilan para manatili pa siya.

O baka gusto niya ng clue? *scrap oil deregulation law* *nationalize the energy industry*

Bibili na rin pala ako ng abaniko, para di mahirapan mag paypay sa uling.

Dahil mauubusan din tayo ng delata, damit, atbp.

Katatapos lang ng Bagyong Yolanda ngayong buwan at masasabi natin na exceptional talaga ang lakas nito. Nung mga oras na bumabayo si Yolanda sa Eastern Visayas, nasa opisina kami at hindi nagtatrabaho, nakatutok lang sa bagyo. Di kasi sinuspinde ng butihing Chancellor ang mga opisina. Pag labas ko ng alas singko, kasagsagan ng pagbagyo niya sa Southern Tagalog. Buti na lang at hindi tumagal.

Bago pa nito, niyanig din ng malalakas na paglindol ang isla ng Bohol. Sangkaterbang lumang simbahan din ang bumagsak at nagkandagiba doon, at marami ang nawala, nasaktan, at namatay.

Sa panahong nadadalas ang mga natural na kalamidad, maraming tao ang nailalagay sa peligro ng kawalan ng kahandaan ng mga pamayanan at ng ating mga sarili. Ako mismo aminado ako na kahit anong rerun ng I.AM.Ready. Serbisyong totoo ng GMA News Tv. Para oras oras alam mo. ay hindi pa rin ako nagreready ng survival kit, etc. etc. Hindi naman kasi tayo naghahanda para sa mga ganyang bagay. Actually, di talaga tayo nag hahanda at all.

Typhoon Yolanda (Haiyan) before landfall at Guiuan, Samar Nov. 7

Wala ata talaga sa kultura ng mga pinoy ang maghanda sa mga sakuna. Hindi ko naman nilalahat pero aminin natin, hindi tayo nagreready sa gamit natin ng mga flashlight o extrang damit, delata, baterya,etc. Lahat binibili natin pag tumama na yung bagyo o yumanig na yung lindol. Pati tuloy gubyerno natin, ganoon ang ginagawa.

Noong 2010, na-enact into law ang Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act na naglalayon na ireorganisa ang dating National Disaster Coordinating Council upang maging NDRRMC o National Disaster Risk Reduction and Management Council. Sa ganitong paraan daw, mas mapapatibay ang pagharap natin sa mga iba’t ibang uri ng sakuna dahil magkakaroon ng pamunuang cluster ang bawat kagawaran para pamahalaan nila, halimbawa kung disaster preparedness ang pag uusapan, nakadelega na ang responsibilidad nito sa DILG, sa disaster response naman, sa DSWD, sa disaster rehabilitation and recovery, sa NEDA. DOST ang may responsibilidad ng disaster prevention and mitigation. Ang overall chair nito ay ang Office of Civil Defence (OCD) na nasa ilalim ng Department of National Defense.

Sa isang master class, tinalakay namin ang pagiging flawed ng sistema ng NDRRMC sa pagharap sa mga ganitong uri ng sakuna. Isang malaking kapansin pansin dito ay ang patuloy na pagpokus ng effort ng NDRRMC sa disaster relief and rehabilitation, sa halip na sa disaster prevention and mitigation. Aminado naman tayo na taun taon ay milyon, o bilyon ang nawawala o nasisira sa atin dahil sa bagyo o lindol, at milyun milyong kapwa Pilipino natin ang agarang nangangailangan ng tulong, pero isipin natin na kung mas nakapokus tayo sa kahandaan sa pagharap sa sakuna, siguro significantly mas magiging kaunti ang nangangailangan ng immediate at urgent na tulong ng pamahalaan. Halimbawa na lamang yung pagpapatayo ng disaster-resilient na mga evacuation centers, pagdedevelop ng disaster prevention protocols, pagpopondo sa mas maraming adaptive projects at pag sasaayos ng land use at urban planning at marami pang iba.

Isa pang kapansin pansin ay ang pag adopt ng NDRRMC sa set up ng NDCC kung saan sundalo ang nauupo bilang chair at hindi eksperto. Mas mananalig pa sana ako kung scientist ng DOST o ng DENR ang mauupo bilang co-chair ng pangulo sa NDRRMC dahil higit na mas maiintindihan nito ang course of events. Naiintindihan natin na importanteng sundalo ang nakaupo upang mabilis na mamobilisa ang AFP for disaster-response and relief, pero again, isa nanaman itong pagbaling sa post-disaster response sa halip na sa disaster prevention and mitigation.

Tacloban Airport matapos bayuhin ng Bagyong Yolanda. Kuha ng Sunstar.

Kapansin pansin din ang pagsasadedevolve ng responsibilidad sa cluster agencies na nabanggit ko kanina, pero kung titingnan natin ay binibigyan nila ng karagdagang trabaho ang mga ahensya na ito, pero tila di naman nagrereflect sa alokasyon ng pondo nila sa kada taon.

Ayon sa batas, DILG ang namamahala sa disaster preparedness, gayunpaman hindi ko makitang gusto ng pamahalaan natin na maging prepared ang ating mga LGUs kung nung 2012 ay pang apat lamang sa priority ang DILG na kagawaran na may pinakamalaking natanggap na pondo. Ang DSWD na siyang gagastos para sa relief at immediate response, pampitong ahensya na nakatanggap lang ng P56.2B Ang DOST na inaasahan nilang mamamahala ng disaster prevention at mitigation ang nakatanggap sa lahat ng kagawaran ng pinakamaliit na pondo, P10B. Tapos yung NEDA na bahala sa reconstruction at recovery, P5B. Naunahan pa sila ng DPWH at DND na pangalawa at pangatlong may pinakamalaking natanggap na badyet. Ok sana diba kung maayos ang mga kalsada at may bota ang mga sundalo. Ang 2012 budget allocation ay makikita dito.

Sa huli, obvious naman na sa halip na paghahanda sa mga sakuna, mas nakatutok pa rin tayo sa pagresponde dito kapag nangyari na. Hindi natin sinasabi na huwag rumesponde, pero ang akin lang naman sana eh prevention is better than cure. Sa halip na maging pro-active, mas nagiging reactive tayo dito sa pamamagitan ng pagpriority sa disaster response at recovery, sa halip na sa prevention and preparedness. At di lang ito sa gubyerno nangyayari kundi sa ating mga pribadong indibidwal, na nasasanay na lang din sa relief drives, benefit concerts, repacking, run for a cause, donation drives, volunteering, etc. na kung mas mabubuhay sana tayo sa kultura ng paghahanda, siguro mas kaunti ang kailangan ayusin, mas maliit ang dapat ipunin, dahil mas iilan ang mangangailangan ng tulong.

Pero hangga’t hindi nauubos ang bagyo, at hindi tayo natututong maghanda, di tayo mauubusan ng idodonate na delata, damit, at kung anu ano pa. Yan tayo eh.

Para sa iba pang impormasyon tungkol sa NDRRMC, maaaring basahin ito, at ito.
Mga dagdag na babasahin ukol sa disaster preparedness:  ito, ito, at ito.

Ang edukasyon kong negosyo.

Sembreak na ngayon ng nakararaming mga kolehiyo. Sigurado maraming mga bata ang kasalukuyang nageenjoy ng tinatamasa nilang bakasyon. Siyempre sino ba naman ang di maghahangad matapos ang mga paghihirap nila noong nakaraang semestre.

Pero speaking of paghihirap, sa susunod na linggo ay simula nanaman ng enrollment period, at siyempre synonymous sa enrollment ang pagbabayad ng matrikula na isa nanamang siyempre pahirap din, sa mga magulang, at lalo doon sa mga pamilyang palagiang pagsubok ang paghahanap ng ibabayad.

Pero ang tanong ay nasusulit ba ang ibinabayad natin sa pagpapaaral ng mga anak o kaanak natin sa kolehiyo?

Libu libong mag aaral na nakapila para sa pagkuha ng PUP College Entrance Test sa PUP Mabini Campus, Manila. (Litrato mula sa Missosology)

Di maikakaila, sa kasalukuyang panahon ang sektor ng edukasyon, sa kahit ano pa mang antas nito ay isang negosyo. Halimbawa na lamang, noong ako’y kinder, nag aral ako sa isang paaralang malapit lang sa amin. Pag aari ng kasamahan ng tatay ko sa ibang bansa. Pribadong kindergarten. Noong panahong yon, kapag medyo nakaluluwag ay ipinapasok ng mga magulang ang mga anak nila sa mga pribadong paaralan. Mas de kalidad daw kasi sa mga pribadong paaralan, at naaalagaan ang moralidad ng bata. Nung tumuntong ako ng Grade 1, ipinasok ako sa isang non-sectarian pero obviously katolikong paaralan. May rosaryo kasi kada Miyerkules. Muli, pribadong eskuwelahan. Dito na ako natuto magmura, makipagsuntukan, at grumaduate ng 4th year high school.

Nung pumasok ako sa kolehiyo, doon ko narealize na ang mahal pala ng ginagastos ng magulang ko sa edukasyon. Nakita ko kasi na nagpoprotesta ang maraming mag aaral dahil sa mga bulok na pasilidad ng pamantasan. Maliit pa ang binabayad kong matrikula noon. Nagulat ako kasi yung pasilidad ng pamantasan ko ay katulad lang din ng pasilidad namin noong highschool. Kung ganoon, saan pala napupunta ang binabayad naming matrikula sa loob ng sampung taon noon?

Sa kita. Dahil ang edukasyon ay negosyo na ngayon.

Mapa kolehiyong pribado o publiko, negosyo ang nangingibabaw na interes ng mga paaralan. Kapag ang isang institusyon ay negosyo ang iniisip, itinutuon nito ang interes nito sa pagkamal ng kita, sa halip na sa pagpapabuti ng serbisyo.

Halimbawa na lang nito ay ang pagiimplement ng Quarterm ng isang kolehiyo sa Maynila. Sa isang semestral mode na academic year, mayroong dalawang semestre na umaabot ng 5 buwan ang bawat isa at isang summer term na isang buwan. Ibig sabihin nito, sa isang taon ay dalawang beses kang magbabayad ng matrikula. Mayroong 17 linggo ang isang semestre, at optional ang summer para sa iyong mga advanced o back subjects. Pero sa sistema ng Quarterm, ang dating dalawang semestre at isang summer ay magiging apat na semestre na may tig aanim na linggo. Ibig sabihin nito, ang isang taon ng quarterm ay katumbas ng dalawang taon ng semestral. Mas mabilis ang phasing ng turo kaya’t mas marami kang maeenroll at matatapos mo ang iyong degree ng Engineering sa loob ng apat na taon (limang taon kapag sa semestral ang isang engineering course). Ipinagmamalaki pa ng nasabing pamantasan na isang paraan ito ng pagpapabuti ng kalidad ng kanilang turo, pero ang katotohanan ay isa itong kilos para kumita ng malaki. Biruin mo ba naman, sa isang taon, sa halip na dalawang beses ka lang magbabayad ng matrikula, ay gagawin nilang apat. Kumikita ang paaralan ng doble sa isang taon at mas mabilis silang nakakapagpatapos ng mga estudyante.

Di na nakakagulat tuloy kung bakit wala na sila sa Top 10 na paaralang pangInhinyerong Sibil sa Pilipinas.

Tunay pang pinatutunayan na ang sektor ng edukasyon ay ninenegosyo ng pagbili ng mga maimpluwensyang tao at pamilya ng mga paaralan. Kabilang na nga diyan ang pag ari ni Lucio Tan sa University of the East, pag ari ng mga Montinola sa Far Eastern University, at ang pinakabago ay ang pagdagdag ni Henry Sy ng National University sa kanyang koleksyon ng mga negosyo. Hindi pa kasama diyan ang pagiging public company at pagsali sa stock market ng Centro Escolar University.

Pero hindi eksklusibo sa usapin ng mga pribadong paaralan ang pagsasanegosyo. Sa mga pampublikong pamantasan, isyu na rin ang pagkokomersyalisa ng edukasyon. Maaaring itanong natin na paano at bakit?

Sa lumipas na labinlimang taon, nagiging trend sa mga pampublikong paaralan ang sunud sunod na kaltas sa badyet kada taon. Nito lamang 2010, umabot sa humigit kumulang 1.39B ang kaltas sa badyet na natanggap ng UP. Noon pang 1997, inaprubahan ng kamara ang Higher Education Modernization Act kung saan binibigyang laya ang mga pamantasang pampubliko na pumasok sa iba’t ibang uri ng agreement sa pribadong sektor upang magamit ang mga asset nito para gumawa ng kita.

Sa sunud sunod na kaltas at pagpasa ng HEMA, itinutulak ng pamahalaan ang mga pampublikong pamantasan at kolehiyo na maging independent na sa gubyerno pagdating sa usapin ng pera. Ibig sabihin, hangga’t maaari ay ang mayorya ng badyet ng mga pamantasan ay magmula sa sarili nitong kita, mula sa mga matrikula at miscellaneous fees. Dahil nageerode ang public funding ng mga pamantasan mula sa pamahalaan, mapipilitan itong magtaas ng singil sa tuition upang punan ang mga kakulangan nito sa badyet.

Nitong 2006, nagtaas ng matrikula ang UP ng di bababa sa 300%. Ang dating matrikulang 225/unit sa LB at 300/unit sa Diliman ay tumaas ng 1,500/unit. Dahil dito, mas nakararaming bata ang hindi na ninais pang tumuloy sa pagpasok sa UP dahil hindi nila abot ang matrikulang hinihingi.

Nakalulungkot lang na napakamahal mag aral sa Pilipinas pero hindi naman bumubuti ang kalidad ng turo. Ang pagnenegosyo ng pampublikong mga serbisyo tulad ng edukasyon ay parang vacuum cleaner na humihigop ng lahat ng pera natin ngunit minimal o wala tayong napapala. Nagmimistulang diploma mill na lamang ang mga pribadong paaralan at pangmayaman na lang ang mga pampubliko.

Sa huli, mamamayan din ang talo sa ginagawa ng pamahalaan at ng mga negosyante sa sektor ng edukasyon. Ang mga prominenteng paaralan ay nananatiling banal sa panlabas na paningin ngunit pinepera na ang panloob na sistema, samantalang ang mga pampublikong pamantasang dati sanang pamantasang panlahat ay nagiging banal dahil para na lamang sa mga kayang makaafford sa matrikula nito.

Sa usapin ng pagpapabuti ng kalidad ng buhay, isa lamang dito ang usapin ng edukasyon. Di pa kasali dito ang mga kontraktwalisasyon, BPO proliferation, at pangingibambansa para magtrabaho na kakaharapin ng mga graduates pagkalabas nila sa pamantasan. Sa paano matatamasa ang panlahatan at inclusive na pagbabago kung sa pag aaral pa lamang ay saklaw na ng ganitong uri ng sistema?

Walang makakasagot.

Dahil mahilig ako sa kontradiksyon, iiwan ko sa inyo ang mga katagang binitiwan ng paborito nating Pangulo at ng kanyang numero unong boy toy sa Senado:

“We allocated P23.4 billion to 112 State Universities and Colleges (SUCs) in 2011. This is 1.7 percent lower than the P23.8 billion budget for 2010. We are gradually reducing the subsidy to SUCs to push them toward becoming self-sufficient and financially independent, given their ability to raise their income and to utilize it for their programs and projects.” –President Noynoy Aquino, August 25, 2010

“I just wanted to clarify. There is no reduction in the budget of SUCs, including UP… So while it appears that on the basis of GAA and the NEP or even the GAB, there appears to be a deduction, the truth is merong increase because congressional insertions yung P2.810 billion which are not retained because these are congressional insertions. So that is the truth of the matter.” –Sen. Franklin Drilon, chairman of the Senate  Finance Committee, November 26, 2010

 

Ang Pagtatraydor kay Andoy.

Bata pa lang ako, paborito ko nang subject ang kasaysayan. Noong elementary ako, pinakamataas palagi ang grado ko sa Sibika at Kultura. Karamihan ng mga bata ngayon eh hindi na alam kung ano yon dahil sa Makabayan. Kapag kuhanan ng card sa klase, palagi kong ipinamamarali ang mataas grade sa Sibika. Yun ang una kong binabanggit sa nanay ko, para di niya ako pagalitan kasi mababa ako sa Math.

Ironically, hindi ako magaling sa petsa at pangalan. Minsan nalilito pa rin ako kung Marso o Abril lumapag si Magellan sa Limasawa. Basta ang alam ko lang eh 1521 yon. At kung Marso man o Abril, hindi ko alam kung 18 o 21.

Sa Sibika at Kultura ko unang nakilala si Andres Bonifacio. Para madaling maituro ang mga klase, nasanay ang mga guro natin na gumamit ng stereotypes (na sobrang mali. tsk. Pero Happy Teacher’s Day pala) sa mga tao sa kasaysayan, tulad ni Jose Rizal na dapat ay laging naka coat at kurbata, o ni Gabriela Silang na parang misis na hindi mo pwedeng under-in dahil palagi kang susunduin sa beerhouse sakay ng kabayo at may dalang itak. Si Bonifacio, nakilala ko bilang yung palaging galit na nagwawala. Sa sobrang galit niya sa mga Kastila, nagsusuot siya ng pulang pantalon para ipakita ito.

Sa kolehiyo na lang ako nagkaroon ng mas malakin oportunidad para pag aralan si Bonifacio. Side-by-side pinag aralan ko siya kasama ni Rizal. Kakaunti man ang nalaman ko (at di kasing dami ng kay Rizal, dahil kaunti din ang nagsusulat tungkol kay Bonifacio) ay sapat na para sa akin na maikonekta si Bonifacio sa mga kagananapan ngayon. Isang remarkable na obserbasyon ko ay si Bonifacio ay isa sa mga unang biktima ng pulitikal na execution. Isang persekusyon na hindi ibinigay sa kanya ng mga dayuhang mananakop, kundi ng mismong mga kapwa niya Pinoy.

Kaisa isang litrato ni Andres Bonifacio

Hindi na lang ako maglalagay ng mga petsa. Nagsimula ang lahat sa halalan sa Tejeros kung saan nahalal si Bonifacio bilang kalihim interyor ng Katipunan. Prinotesta ni Daniel Tirona ang pagkakapanalo ni Bonifacio dahil hindi dapat umano hawakan ang posisyon ng isang taong walang titulo ng abugasya. Doon nagsimulang magkainitan dahil sa bastusan, nagkatutukan ng baril, at walk out-an. Nauwi na nga ang hidwaan sa pagkakaroon ng paksyon sa loob ng Katipunan. Nanumpa si Emilio Aguinaldo bilang pangulo, na inofficiate ng isang paring Katoliko. Di nagtagal, ipinahuli ng pamahalaan ni Aguinaldo si Bonifacio.  Hinatulan ng pamahalaan ni Emilio Aguinaldo si Andres Bonifacio at Procopio Bonifacio ng sedisyon, pagtatraydor at pagtatangkang paslangin si Aguinaldo. Pinatay sila sa Maragondon Cavite.

Hanggang ngayon, sa personal kong perspektiba, hirap akong maintindihan kung bakit vinevenerate ng edukasyon at pamahalaan natin si Emilio Aguinaldo. Sa inililikhang kasaysayan ng ating pamahalaan, kinikilala si Emilio Aguinaldo bilang unang pangulo, hindi si Bonifacio. Pero kung iisipin mo, nakisakay lang naman sa kilusan ni Bonifacio si Aguinaldo, at nagmarunong hanggang maging pinuno. Kumbaga, lahat ng binuong pundasyon ni Bonifacio ay si Aguinaldo lang ang nakinabang.

Namomroblema tayo sa kasalukuyang panahon ng kurapsyon, pagiging ganid sa kapangyarihan ng mga pinuno, batuhan ng putik kapag halalan, pulitikal na pamamaslang, at mga “skeletons in the closet” ika nga ng mga pinuno natin. Nabibigyang linaw ako ng pinag ugatan ng lahat ng ito kapag binabalikan ko kung paano namatay si Bonifacio. Mud slinging ni Daniel Tirona sa halalan, kulang kulang na ebidensya at hindi conclusive na mga kaso pero may mga hatol, pagiging ganid sa kapangyarihan ni Aguinaldo, paggamit ng dahas para makamit ang mga pulitikal na interes, hidwaan sa loob ng pamahalaan, at pagtatraydor ni Aguinaldo sa sambayanan (lumaban si Aguinaldo sa mga Amerikano, pero nung maitatag ang Commonwealth sa bansa ay tumakbong pangulo nito. Natalo siya kay Manuel Quezon.)

Ang kasaysayang sinusundan ng pamahalaan natin ay iyong kasaysayang binuo ng mga Amerikano sa atin. Maiuugat ito doon sa pagkilala kay Aguinaldo bilang pangulo sa halip na si Bonifacio. Mas kinikilala na First Philippine Republic ang itinatag ni Aguinaldo, sa halip na iyong itinayong rebolusyonaryong pamahalaan ni Bonifacio. Pero hindi ko talaga ma-take at uulit ulitin ko, eh tumakbo si Aguinaldo sa pamahalaang Commonwealth, itinatag ng pamahalaang kumitil sa buhay ng maraming mahuhusay na heneral ng Katipunan (del Pilar, Sakay, etc.)

Dumadaluyong hanggang sa kasalukuyan ang hidwaan ng mga Bonifacio at Aguinaldo. Sa isang panayam ng GMA 7 sa magkabilang panig, nag iiringan pa rin sila at ramdam pa rin ang samaan ng loob. Kung iisipin mo nga naman, iba rin ang naging resulta ng mga mga ginawa ni Aguinaldo noon sa Katipunan. Sa buong kurso ng kasaysayan ng bansa at magpahanggang ngayon, nakapuwesto sa pamahalaan natin ang mga Aguinaldo:

  • Cesar Virata, punong ministro ni Marcos, grand nephew ni Aguinaldo
  • Sec. Joseph Abaya ng DOTC, apo sa tuhod
  • Former Kawit Mayor Reynaldo Aguinaldo, apo ni Emilio Jr
  • Orange Aguinaldo IV, asawa ni Bernadette Sembrano, vice Mayor ng Kawit, anak ng kapatid ni Reynaldo Aguinaldo
  • Emilio Aguinaldo V, nanalong konsehal noong 2007 ng Imus
  • Si Lito na tatay ni Emilio V, konsehal din dati ng Imus
  • Si Peter Aguinaldo Abaya na kapatid ni DOTC Sec, ang huling balita ko eh general manager ng Philippine Reclamation Authority

Pero sa mga Bonifacio, hindi ko alam kung may mga nakapuwesto sila sa pambansang pamahalaan. Ang katangi tangi lang na palaging lumilitaw para magbigay liwanag sa mga pangyayari sa buhay ni Bonifacio ay ang kanyang apo sa kapatid niyang si Procopio (na kasama niyang pinaslang sa Cavite) na si Atty. Gregorio Bonifacio. Naglecture siya dito sa UP noong nakaraang linggo. Nalaman ko lang eh tapos na.

Nagpapatuloy ang mga pangyayari ng 1897 sa kasalukuyan. Yan yung isang mahalagang aral na natutunan ko dito. Kung pinapapurihan man natin ang isang traydor, o pinababayaan ang isang bayani ay labas na sa usaping ito. Habambuhay lang tayong nafufrustrate sa isang mali na sana ay naitama noon. Pero kung naniniwala tayong may kapabilidad tayong baguhin ang siklo ng mali, ba’t hindi natin gawin ngayon diba?

Pahabol na lang, sa hinaba haba ng pananatili ng mga Aguinaldo sa puwesto, napakaraming naipangalan sa kanilang mga lugar. Aguinaldo Highway, Aguinaldo, Cavite, Emilio Aguinaldo College at marami pang iba.

Hindi ko lang alam kung matutuwa ba si Gat Andoy sa lugar na ipinangalan sa kanya.

LAST PAHABOL: Lahat ng hinanakit ko kay Aguinaldo ay kayang sumahin ng kantang ito ng RSP.

Dahil hindi hampaslupa si Asiong Aksaya.

Noong nakaraang linggo lang ay ibinaba ng COMELEC First Division ang hatol sa inihaing petisyon para i-disqualify ang mahal naming gubernador na si Jeorge ER Ejercito. Well, akala ko natapos na noong May ang drama na ito pero nagkakamali pala ako. May blog entry din ako sa dramang ito noong May 2013 elections.

Well, since 2010 ata eh sa wakas, nakapasok na sa limelight ng pagiging bida itong si ER Ejercito (ER na lang ha? for brevity). Alam naman natin siyempre na nagsimula si ER bilang kontrabida sa mga pelikula. Actually, noong nakaraang linggo lang eh napanood ko pa sa PBO ang pelikula na pinakapaborito ko ang role niya bilang kontrabida. Nakakatawa nga eh.

Nagsimula si ER Ejercito bilang alkalde ng Pagsanjan, ang bayang wala naman talagang falls. Naglingkod siya mula 2001 hanggang 2010 at naging gubernador naman mula 2010. Teka, news anchor din pala dati siya ng IBC Headliners.
At siyempre, habang gubernador siya ay artista din siya sa iba’t ibang pelikula, kasama na diyan yung biopic ni Asiong Salonga (na hindi naman tayo sigurado kung accurate) at ni Emilio Aguinaldo (siguradong hindi accurate).

ER Ejercito, and his trademark smile.

So ang gumugulantang na issue ngayon ay ang kanyang disqualification sa 2013 elections. Ako mismo, naguguluhan sa issue ng diskwalipikasyon after ng halalan. Bakit hindi kayo magdisqualify bago ang halalan para mas hindi magastos? Ewan ko ba.

Pero anyway, ang Laguna ay may mga 1,525,522 registered voters for the May 2013 elections. Sang ayon sa batas, ang isang local candidate ay maaari lamang gumastos ng tatlong piso kada botante. So kung tutuusin natin, mga 1,525,522 x 3 ay 4,576,566. Ibig sabihin, ganitong halaga lamang ang maaari niyang gastahin sa pangangampanya. Php 4,576,566. Eto yung official ruling at statement ng COMELEC.

Marami ang nagsasabi na sana hindi ito tainted ng pulitika. Alam naman ng marami na si ER ay nasa ilalim ng partidong United Nationalist Alliance o UNA, kalaban ng partido ni BS Aquino. Kung titingnan ang anggulo ng pulitika, siguradong meron dahil ang nagsampa ng kaso ng disqualification kay ER ay walang iba kundi yung kalaban niyang si Egay San Luis. Ang hindi ko lang makita ay kung paano siya dadaanin sa pulitika ng Comelec, eh yung mismong chair noon ay dating abugado ni Erap, FPJ, at consultant pa ng UNO.

Anyway, noong May 2013 din naman ay glaring ang laganap na paggastos ni ER Ejercito. Simula sa pagpapagawa ng halos walong minutong video presentation na ipinalabas pa sa ABS-CBN (nationwide telecast, di ko alam kung bakit) sa oras ng primetime, pagbibigay ng pera kaliwa’t kanan, La Laguna Festival (na hinaluan pa niya ng kembot dance moves. ugh.), at kung anu ano pang pautot. Di ko alam kung paano magkakasya ang 4.5 Million doon. Pero actually, si Egay San Luis din siguradong hindi aabot ang 4.5M sa gastusin. Biruin nyong nagpaprint pa siya ng mga polyeto para idikit sa mga pader, na nagsasabing Maralita sila at Hindi Hampaslupa. Okay.

Pero sige, kung sakali mang mapatunayan na nag-overspend nga si ER noong eleksiyon, ano ba ang mangyayari? Hindi rin naman maipupwesto si Ehay San Luis dahil, ahm, di naman talaga siya nanalo. Kung totoong si San Luis lang ang may pakana ng lahat, eh mukhang itong mamang ito ang pinakamakikinabang.

Ang Vice Governor na hindi nangampanya.

At teka nga, sino bang may sabing wala siyang interes na maging gubernador ng probinsya?

Eh ewan ko lang, kung mayroong napatunayan ang lahat ng pangyayari, yun ay

  • Hindi talaga hampaslupa si ER Ejercito, tulad ng ipinahayag niya sa debate sa UKG.
  • Ibang klaseng magtanim ng sama ng loob pala si Egay San Luis
  • Si Ramil Hernandez ang susunod na pinakamatipid na gubernador, na hindi ata gumastos noong eleksyon
  • Magulo at madrama ang halalan sa Laguna
  • Mga Lagunense nanaman ang talo.

Bago pa sumama ang loob nating lahat, magpakunswelo na lang tayo. At least ginawan niya tayo ng Music Video.

Bangsamoro 2000km away.

Nung nagkaroon ako ng ulirat sa usaping pambansa at natutong manood ng balita sa telebisyon, mayroon nang digmaan sa Mindanao. 1995. Sa katunayan, ito yung panahong pipirmahan ni Ramos at ni Misuari ang Final Peace Agreement sa pagitan ng pamahalaan at ng MNLF.

Isinilang ako sa panahon na hinuhulma ang pagkakakilala ng lahat sa Mindanao bilang isang magulong lugar. Noong bata nga ako, tinatanong ko ang nanay ko kung kailan pa nagsimula ang giyera sa Mindanao. Sabi niya, panahon pa daw ni Kristo, magkaaway na ang Katoliko at Muslim. Sa panahong magkasundo daw sila, katapusan na ng mundo.

Siyempre, pagtungtong ko ng hayskul, nalaman ko na na walang basehang opinyon lang pala ng nanay ko iyon tungkol sa digmaan sa Mindanao. Pero minsan nga naiisip ko, baka bago nga magkaroon ng pangmatagalang kapayapaan sa Bangsamoro ay baka abutan na nga tayo ng katapusan ng mundo.

May isang beses lang ako nakarating ng Mindanao. Hindi pa ako nakarating ng ARMM. Mayroon akong mga kaibigan mula sa Mindanao at ilan sila sa mga pinakamasayahin kong nakilala. Malayo sa kung paano ako nahubog mag isip noong bata sa kung anong mayroon sa Mindanao.

Sa lugar kung saan ako namamalagi ngayon, kulang kulang dalawang libong kilometro mula sa ARMM, hindi namin naririnig ang sabog ng mga mortar o putok ng mga punglo ng digmaang ito. Noong 2009 kung kailan halos hindi masikmura ng lipunan ang karahasan sa media at pulitikal na pamamaslang sa Ampatuan, hindi gaanong nayanig ang mga mamamayan dito. May nakidasal, nakisindi ng kandila, naki-minute of silence. Pero pagkatapos ay wala na rin nangyari. Iba ang nagagawa ng dalawang libong kilometro. Mas may pakialam pa ang mga tao sa boxing ni Pacquiao na libu libong kilometro ang layo ng pinaggaganapan kaysa sa mga miyembro ng medya na ibinaon sa isang burol sa Maguindanao.

Sobrang layo natin sa Bangsamoro. Puso o isipan. Kulturang kinagisnan.

Naiisip ko tuloy si Misuari at ang mga iba pang nakikipaglaban para sa “kalayaan” ng Bangsamoro. Kung saan nila hinuhugot ang kanilang ipinaglalaban, at kung bakit ganoon na lang ang kanilang lakas ng loob.

Arroyo and Ampatuan having lunch at Maguindanao. File photo.

Malaking salik sa pagkakabuo ng Bangsamoro ang kahirapan sa Mindanao. At tulad ng ibang naghihirap sa bansa, malaking salik rin dito ang salasalabid at malalim na ang pagkakaugat na problema ng kurapsyon. Noong 2009, naipit ang medya sa hidwaang pampulitika ng mga dinastiya sa Maguindanao. Mga kaalyado ng palasyo at mga kalaban sa pulitika. Isinisisi ng lahat ang pangyayari sa mga Ampatuan kung saan pa nga idineklara ang Martial Law sa Maguindanao para lipulin lahat ng kaanak ng mga Ampatuan. Pero kung susuriing mabuti, hindi naman aabot sa ganoong uri ng karahasan kung walang mga dinastiyang pampulitika sa Mindanao. Mga dinastiyang hindi lang dekada ang binilang sa pwesto, at patuloy pa na nagpapasasa sa sistema ng pulitika sa Pilipinas na pumapabor sa kung sinong may pera, may armas, at may kapit sa taas.

Perpekto ang recipe ng kurapsyon ng Pilipinas para masigurado ang pananatili ng kayamanan at kapangyarihan ng iilan sa Mindanao. Kung malala na nga dito sa mga probinsyang malapit sa Maynila, at lumalala pa, eh lalo naman siguro sa lugar kung saan ang mga mata ng medyang pambansa ay 2000 kilometro ang layo, at ang mga matatalas ang dila nama’y basta na lamang itinutumba.

Minsan gusto kong itanong kay Misuari kung ano ba ang plano niya kung ihihiwalay na niya ang Bangsamoro. Palalayasin niya ba ang mga dinastiyang pampulitika at itataboy papuntang Pilipinas*? Sa lahat ng panayam kay Misuari (o sa kahit na sinong mapagbukod na kilusan o rebelde) ay hindi naman tinatanong ang mga tanong na ito. Palaging nakatutok sa giyerang walang katapusan, at usapang pangkapayapaan na wala namang nadudulot na epektong pangmatagalan.

Naisip ko lang kung ano ang nangyari sa Lahad Datu noong ilang buwan na rin ang nakakalipas. Kung sakaling mapasakamay ng Pilipinas ang Lahad Datu, ano naman ang ating gagawin doon. Sa kasalukuyan, mayroon ding standing claim ang MNLF sa Sandakan at kalupaan ng Borneo matapos niyang isama ito sa Bangsamoro Declaration of Independence noong 2012.

Pero titimbangin din natin, kung tunay tayong may pakialam sa mga kapatid natin sa Bangsamoro, isipin natin kung tatanggapin na lang ba natin ang pananatili ng Bangsamoro sa talampakan ng Maynila, lugmok sa putik ng pulitika at kurapsyon ng ATING sistema, o hahayaan silang makapagdesisyon ng naaayon sa sarili nilang kagustuhan?

Noong marso, sa isang landmark na referendum 30 taon matapos ang madugong Falkland wars, idineklara ng mga residente ng Falkland Islands ang kanilang desisyong manatili bilang mga Briton. Sa digmaan noong 1983 ay ipinilit ng Argentina ang kanilang soberanya sa mga islang ito.

Sa konstitusyon ng Falklands, nasaad ang sumusunod:

All peoples have the right to self-determination and by virtue of that right they freely determine their political status and freely pursue their economic, social and cultural development and may, for their own ends, freely dispose of their natural wealth and resources without prejudice to any obligations arising out of international economic co-operation, based upon the principle of mutual benefit and international law; The realisation of the right of self-determination must be promoted and respected in conformity with the provisions of the Charter of the United Nations.

Sa panahong naniniwala ang ilan na lumipas na ang metodolohiya ng imperyalismo at pagsasamantala sa kapwa, ang kultura at teritoryo ng Bangsamoro, halos dalawang libong kilometro mula sa Palasyo, pinagkukuhanang yaman lamang ngunit di naman tinutugunan ang mga pangangailangan, pinagpapasasaan ng mga dinastiya at pamilya, ngayon nagnanais magsarili para naman “mapaunlad* at mapasagana*” ang kanilang buhay at lipunan, ay wala bang karapatang mapakinggan ang mga hinaing?

*ewan ko kay Nur Misuari o sa MILF kung paano nila gagawin ito.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Pork Barrel (issue) is dead.

Janet Lim Napoles mugshot at Camp Crame. File Photo.

Dahan dahan nang humuhupa ang galit ng tao kay Napoles. Hindi dahil bumabait siya kundi dahil tulad ng ibang isyu, pumapasok na sa kabaong at dahan dahan nang isinasara ang nitso ng Pork Barrel issue na ito.

Coco Levy Fund, Fertilizer Scam, ZTE-NBN deal, at ngayon etong Pork Barrel. Sabi nga ni Sandra Cam sa isang panayam sa mga past whistle-blowers (na pinabayaan na ng gubyerno ngayon), naaawa lang siya kina Benhur Luy at iba pang whistle blowers, dahil alam niyang sa huli, pagkakatulugan lang din ulit sa pansitan ng mga Pilipino ang issue na ito, at tuloy ang piyesta sa senado, kongreso, gubyerno, palasyo.

“Panahon na po upang i-abolish ang PDAF” sabi ni Noynoy, so natapos na doon ang galit ng maraming tao na unang nagngitngit sa pag abuso ng Pork Barrel. Para sa kanila, iyon na ang solusyon. Ayaw na nilang makidildil sa asin ng pakikibaka ng mga tibak, dahil ang pulitika ay spectators’ game lang para sa mga maraming oras sa kamay.

Naalala ko tuloy kung paano magtrabaho ang mga guwardya. As in security guard. Palitan sila ng shift, kadalasan dalawa o tatlo. Bago umalis ang isang guwardya, isusulat niya lahat ng update sa log book, para yung susunod na magbabantay ay alam kung ano o sino ang dapat bantayan, mga huling nangyari, para hindi na maulit ang huling paglusot, o krimen.

Guwardya tayo na nagbabantay sa pamahalaan. Ang problema, wala tayong log book kung saan inililista natin ang lahat ng nangyari ng nakaraan kung saan nalusutan tayo. Paulit ulit. Parang hirap tayong makaalala bilang lipunan.

At ang pagkalimot na iyon ay produkto ng pagdisembark mula sa pagsubaybay sa issue. Naiisip ko yung mga tibak, palagi silang galit at nakabantay. Bakit? Kasi kung ano yung nararamdaman pa lang ng mga tao ngayon, naramdaman na nila sa Coco Levy fund, sa Malampaya fund, sa Fertilizer fund, sa ZTE-NBN, sa Hello Garci, at sa kung anu ano pang pangsasalaula sa pera ng mamamayan. Pero ang karamihan, ngayon pa lang ulit naalala na nangyari nga pala yun.

Ang tunay na solusyon dito, patuloy na pagbabantay at pakikialam. At ang pakikialam ay hindi nakukuha sa pananatili online sa Facebook.

Lumabas. Makiisa. Makinig sa mga kuwento. At lumaban para sa pagbabago.

Mga susunod na aktibidades para sa krusada laban sa Pork Barrel

#100DAYS COUNTDOWN TO JUSTICE sa LUNETA PARK.

Makibaka laban sa Pork Barrel ni Aquino o kahit kanino.